9,194 total views
Homiliya para sa Novena ng Santa Cruz, Ika-13 ng Setyembre 2024, Lk 6:39-42
Ewan kung narinig na ninyo ang kuwento tungkol sa isang taong mayaman ngunit makasarili. Dahil guwapo siya, matipuno at malusog ang katawan bukod sa successful sa career, mahilig daw siyang tumingin sa salamin para hangaan ang sarili.
Minsan isang gabi, nanaginip siya. Naglalakad daw siya sa mga ulap hanggang nakakita siya ng isang malaking krus. Pero kakaiba ito. Hugis krus pero salamin. Dahil mahilig siyang tumingin sa itsura niya, excited siyang lumapit sa krus at tumingin sa sarili. Laking gulat niya sa nakita niya ang sarili niya. Sarili nga ang nakikita pero parang hindi. Kasi pangit siya. Payat na payat na parang buto’t balat. Maputlang-maputla, matamlay, parang malnourished, luwa ang mata at wala nang ngipin.
Gumalaw-galaw siya para tiyakin kung sarili nga ba niya ang nakikita sa salamin, dahil ibang-iba na nga ang itsura. Siya nga. Pero kapag tumingin siya sa sariling katawan niya, parang katulad pa rin naman siya ng dati—makinis ang kutis, matipuno, malakas, malusog, dahil sagana sa pagkain at mahilig magwork-out. Pero pagtingin sa salamin—mukha nga siyang gusgusin na parang taong-grasa sa kalsada.
Nagdasal daw siya sa Diyos. Sinabi niya, “Lord, pinakikita mo ba sa akin ang kahihinatnan ko sa kabilang buhay? Ibig bang sabihin nito impyerno ang patutunguhan ko pagkamatay ko? Ganyan ba ang magiging itsura ko doon?”
Sumagot naman daw ang Diyos sa kanya at ang sabi’y, “Hindi, anak. Ikaw iyan ngayon. Iyan ang silbi ng krus sa buhay mo— ang ipakita sa iyo, hindi ang iyong hinaharap kundi ang iyong kasalukuyang buhay. Kaya lang, ibang klaseng salamin ang krus. Iyan ang salamin ng langit. Ang mga salamin kasi ninyo sa lupa walang ipinakikita kundi panlabas na itsura lamang ninyo. Ang salamin ng langit iba ang ipinakikita—iyung tunay na mahalaga sa pagkatao ninyo. At ito ay ang nasa kalooban ninyo. Kaya ang nakikita mo ay ang kasalukuyang itsura ng iyong kaluluwa.”
Sabi pa daw ng Diyos, “Dahil mahal kita, anak, naaawa ako sa iyo, nalulungkot ako sa ginagawa mo sa sarili mo. Sa katawan ka lang maganda, malusog at masigla. Sa materyal ka lang sagana. Pero ang kaluluwa mo ay maysakit, mahinang-mahina, namamatay na sa gutom at uhaw, nag-aagaw-buhay. Kaya ko nga ipinakikita sa iyo dahil buhay ka pa. Kaya mo pang magbago, kung babaguhin mo ang pangit na pag-uugali mo. Alam kong alam mo ang lahat ng paraan sa mundo para mapalakas ang katawan at kalusugan mo, mapaganda ang katawan mo, ang mukha mo, ang image mo. Pero hangga’t sarili mo lang ang kaya mong alagaan, pinahihina mo ang kaluluwa mo.”
Naiyak daw siya at nagmakaawa, “Lord, kahit ano po gagawin ko para bumalik sa sigla ang kaluluwa ko. Ano po ba ang dapat kong baguhin sa ugali ko para gumanda rin ang kalooban ko?” Sumagot ang Panginoon at ang sabi niya, “Sa bawat kapwa-tao na pagmalasakitan mo, sa bawat nagugutom na painumin mo, sa bawat nauuhaw na painumin mo, sa bawat nalulungkot na aliwin mo, sa bawat maysakit na kalingain mo, sa bawat api na ipagtanggol mo, magbabago ang kalooban mo. Lulusog ang kaluluwa mo. Gaganda ang pagkatao mo.”
“Hindi mabubuo ang pagkatao mo kung makasarili ka. Sa pakikipagkapwa—mas lalo kang magiging malakas at masigla. Hindi gaganda ang pagkatao mo kung hindi ka matutong magmahal na totoo, magparaya, magkaroon ng layunin na higit pa sa sarili mo. Magmahal, handang magdusa at mamatay, handang mag-alay ng buhay para sa minamahal katulad ng Anak ko na hinatulan ninyo ng kamatayan at ipinako ninyo sa krus na iyan kahit walang kasalanan. Gawin mo lahat ng ito at makikita mo, sa salamin ng langit ikaw ay magiging pabata nang pabata hanggang sa maging mistulang sanggol upang maghanda na maisilang kang muli sa kabilang buhay.”
Ang punto ng kuwento, ang kabilang-buhay na hinahangad natin ay nagsisimula na dito sa mundo, kung matuto lang tayong tumingin kahit paminsan-minsan lang sa krus ni Kristo bilang salamin ng langit. Iminumulat tayo ng salamin ng langit upang makita natin ang sariling pagkakasala bago at maimulat ang iba sa sarili nilang mga pagkakasala.
Hindi naman hangad ni Hesus na i-romanticize ang karukhaan, ang gutom, pagtangis at pagiging kawawa. At hindi rin niya sinasabi na masama ang mabuhay na maginhawa, busog, masaya at hinahangaan. Nagiging parang sumpa lamang ang ating mga makamundong pagpapala kapag nabulag tayo ng mga ito at hindi na natin makita ang tunay na anyo ng ating kaluluwa sa salamin ng langit. Akala natin mapalad tayo; sawimpalad pala.
May isinulat si San Juan sa Book of Revelations (Pahayag), na parang ganito rin ang sinasabi. Sa Pahayag 3:17-19,
“Sinasabi ninyo, ‘Mayaman na kami, sagana na sa lahat ng bagay at wala nang ibang pangangailangan.’ Ngunit hindi ninyo nalalaman na sa totoo lang, kayo’y dukha ng tanang dukha, kaawa-awa, kahabag-habag, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. Kaya pinapayuhan ko kayo, sa akin kayo humiling ng ginto na dinalisay sa apoy upang maging totoong mayaman kayo… Bumili rin kayo sa akin… ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at sinasaway. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at pagbuksan ako ng pinto, tutuloy ako, at makakasalo niya ako sa hapag-kainan.”