8,972 total views
Homily for 24th Sun in Ordinary Time, 15 September 2024, Mk 8:27-35
Napagsabihan si Pedro sa ebanghelyo ngayon. Hindi daw ayon sa pag-iisip ng Diyos ang pag-iisip niya kundi ayon sa pag-iisip ng tao. Kung ako si Pedro baka nakasagot ako ng ganito: “with all due respect, Lord, paano akong mag-iisip na katulad ng Diyos gayong tao lang naman ako?” Talaga bang inaasahan ni Hesus ang mga alagad niya na mag-isip na katulad ng Diyos? Paano mangyayari iyun?
Pumapasok tuloy sa isip ko ang isang pagbasa sa propeta Isaias chapter 55. Doon sa v. 8, ang sinasabi ng propeta ay medyo hawig sa sinabi ni Hesus kay Pedro: Sinabi ng Panginoon , “Ang pag-iisip ko ay hindi katulad ng pag-iisip ninyo at ang pamamaraan ko ay hindi katulad ng pamamaraan ninyo.” At sa kasunod, sa v. 9, sabi pa niya: “Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo.”
May background ang sinasabi ng propeta. Disappointed siya sa pagkilos at pag-uugali ng mga tao. Pinaaalalahanan sila na sikapin nilang alamin ang kalooban ng Diyos. Doon sa naunang bahagi ng chapter ding iyon, nasabi rin ng propeta:
Isaias 55:6-7 “Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo. Talikuran na ng mga tao ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Dios, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.”
Ibig sabihin inaasahan ng propeta, tulad ng sinasabi ni Hesus kay Pedro—sikapin ninyong mag-isip nang naaayon sa pag-iisip ng Diyos. Kaya ba nating gawin ito?
Bakit hindi? Parehong Hudyo ang background nina Hesus at Isaias. Ipinapalagay nila na ang tao ay nilikha sa hugis at wangis ng Diyos. Ibig sabihin, kahit tayo’y tao pwede tayong mag-aral at matuto sa paraan ng Diyos.
Para sa kay Isaias ito ang pinakabuod o diwa ng misyon niya bilang isang propeta—ang maipahayag ang Salita ng Diyos upang ang kalooban ng Diyos ang mamayani sa mga puso at diwa ng bayang Israel. Kaya sinasabi rin niya sa vv.10-11: “Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.”
Parang ganito din ang pinanggagalingan ni Hesus sa reaksyon niya sa sagot ng mga alagad sa mga tanong niya: sino ba ako ayon sa mga tao at sino ako para sa inyo? Di ba ang sagot nila sa unang tanong ay “Si Juan Bautista daw kayo ayon sa ilan. At si Jeremias naman daw kayo ayon sa iba. At meron pang nagsasabing isa kayo sa mga propeta. “ Ang mga propeta ang halimbawa nila ng mga taong nakatatarok sa pag-iisip o kalooban ng Diyos.
Bakit? Dahil ang gawain nila ay ang ipahayag ang Salita ng Diyos. Paano nila magagawa iyon kung hindi muna sila matutong makinig sa kalooban ng Diyos? Baka nga naman sariling mga kuro-kuro o haka-haka lang nila ang ipahayag nila at hindi ang kalooban ng Diyos kung hindi muna sila maglaan ng panahon para makinig sa Diyos sa pananalangin nila.
Hindi malayo na tinuring din nila si Hesus bilang propeta dahil nakikita siyang madalas nagdidili-dili at nagdarasal. Bahagi daw ito ng pang-araw -araw na iskedyul niya. Ang manahimik at mapag-isa sa mga ilang na lugar. Minsan nga nilapitan pa daw siya ng mga alagad, hindi lang para magpaturo kung paano unawain ang Kasulatan kundi para din magpaturo sa pananalangin. Di ba pinakiusapan daw siya minsan, “Panginoon, pakituruan mo nga kaming magdasal?”
Kasi marami ring mga tao noong kapanahunan niya na ang lakas ng loob na magsalita para sa Diyos pero mga bulaang propeta sila. Sa pakiwari ng mga tao—sariling pag-iisip, ideya, o opinyon lang nila ang lumalabas sa bibig nila, hindi ang ibig ipahayag ng Diyos.
Tayo rin tinawag din tayo na maging mga propeta sa panahon natin. Hindi nga ba ito isa sa tatlong aspeto ng buhay Kristiyano: ang pagiging pari, propeta at hari? Di natin matutulungan ang ibang tao na umunawa sa kalooban ng Diyos kung hindi natin matutuhan ang disiplinang napaka-importante sa buhay ng propeta: ANG PANALANGIN.
Dumako tayo ngayon sa pangalawang tanong ni Hesus: SINO AKO PARA SA INYO?” At ang sumagot ay si Pedro: “Ikaw ang Kristo.” At tama naman siya. Iyun nga lang, hindi malinaw sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng sinabi niya. Kaya haharangin niya si Hesus sa daan matapos na marinig niya kay Hesus na malapit nang matupad ang misyon niya pero daranas muna sila ng trahedya sa Jerusalem bago mangyari ito.
Kay Pedro, ang Mesiyas ay ang ipinangakong Manunubos na maghahatid ng kaligtasan sa mundo. Pero ang intindi niya ay, ililigtas ang matuwid at parurusahan ang mga makasalanan. Ganoon kasimple.
Pero hindi ganoon kay Hesus. Kaligtasan para sa lahat, pati sa mga makasalanan ang pinahahayag ni Hesus. Tulad ni Isaias, naniniwala siya na ang nasa puso at isip ng Diyos ay AWA AT MALASAKIT. Pero kinailangan muna niyang magbayad nang mahal. Ang hangad niya ay kaligtasan hindi lang para sa mga banal at matuwid, kundi katubusan ng matuwid at makasalanan, ang karapat-dapat at hindi. At inaanyayahan niya ang kanyang mga alagad na mag-isip na katulad ng Diyos…kung handa silang magbayad nang mahal.
Alam ni Hesus, nang harangin ni Pedro ang direksyon niya patungong Jerusalem, na hindi talaga si Pedro kundi si Satanas ang kumikilos at humahadlang sa katuparan ng kanyang misyon. Pinipigilan siyang mag-isip ng dimonyo sa paraang naaayon sa pag-iisip ng Diyos. Kaya buong tiyagang tinuruan sila ni Hesus kung paano makiisa sa Anak ng Tao, sa kanyang misyon ng pagtubos.
Ito rin ang dahilan kung bakit madalas idiin ni Hesus ang importansya pag-unlad sa disiplina ng ng pananalangin sa kanila, para turuan silang mag-isip na katulad ng Diyos. Iyon ang halaga ng pananalangin, nagiging pamilyar tayo sa tinig ng Diyos. Natututo tayong mangilatis at magdesisyon kung alin ba sa mga “tinig” o balakin na pumapasok sa ating isip ang sa Diyos at alin ang hindi, alin ang dapat masunod, alin ang hindi.
Ang ibinigay na paalala ni Hesus kay Pedro ay para sa atin din, para maging pamilyar tayo sa “isip o kalooban ng Diyos” sa ating pakikibahagi sa kanyang misyon. “Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya?” Mk 8:35-36