12,638 total views
Ito ang katanungang lumutang sa isinagawang pagdinig ng House Quad Committee makarang busisiin ng panel ang mga negosyo ni Guo at posibleng pagkakaugnay sa mga sindikato.
Ipinunto ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang mga kahina-hinalang kaugnayan ni Guo at ilang mga indibidwal mula sa Fujian, isang rehiyon sa China konektado sa nasabing gang.
Ang Fujian gang ay tumutukoy sa isang sindikato na katulad ng mga triad, na kinabibilangan ng mga gang na imigrante sa Hong Kong at local networks sa Fujian.
Isa sa ipinakitang ebidensya ang poster ng pagbati mula sa mga negosyanteng Intsik na nakabase sa Maynila, na orihinal na mula sa Fujian, na nagdiwang sa pagkakahalal ni Guo bilang “unang Intsik na alkalde sa Pilipinas” noong 2022.
“This (congratulatory poster) came from businessmen here in Manila who originated from Fujian, China,” ayon kay Luistro.
Ayon din sa inilabas na impormasyon mula sa record ng Bureau of Immigration, na tumutukoy kay Guo na dependent ng kanyang ina na si Lin Wen Yi, na tubong Fujian.
Binanggit din ni Luistro na ang dalawang kasosyo ni Guo at mga kapwa incorporators ng Bamban-based na Baofu Land Development Inc.—sina Lin Baoying at Rujin Zhang—na parehong nahatulan ng paglabag sa anti-money laundering sa Singapore, ay mula rin sa Fujian.
“Based on research, Mr. Chair, the two incorporators by the name Baoying Lin and Rujin Zhang, both convicted of anti-money laundering in Singapore, are all from Fujian, China,” ayon sa pahayag ni Luistro sa Quad Committee, na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.
Duda ng kongresista kung ang mga koneksyon na ito ay nagkataon lamang o indikasyon na sangkot si Guo sa mga ilegal na aktibidad na konektado sa Fujian gang.
Itinanggi ni Guo ang anumang kaalaman tungkol sa Fujian gang,
Inihayag sa interpelasyon ni Luistro, na ang pagkakaugnay ni Guo kina Lin at Zhang, na kapwa hinatulan sa Singapore dahil sa laundering ng $3 bilyon, kasama ang isa pang incorporator, na si Huang Zhiyang, na sangkot naman sa cybercrime matapos ang pagsalakay ng mga awtoridad noong 2023.
Ang apat na nabanggit ay sangkot sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), partikular ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology, na konektado sa human trafficking at money laundering.
Nalaman din sa pagdinig na si Guo ay nakakuha ng pekeng birth certificate at Philippine passport sa pamamagitan ng late registration ng birth system, kaya’t nakatakbo at nahalal na opisyal ng gobyerno at makapagtayo ng mga negosyo.
Dahil dito, iminungkahi ni Luistro ang pagkakaroon ng reporma upang pigilan ang mga dayuhan na sinasamantala ang kahinaan ng Sistema at inirekomenda sa Securities and Exchange Commission na magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon upang matiyak na lehitimo ang mga korporasyon.
“The layering of various documents to make it appear that these are legitimate corporations complicates the government’s ability to verify and monitor the illegal activities of these foreign nationals,” babala pa ng kongresista.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga batas laban sa money laundering, na tinukoy na ang mga ilegal na operasyon ng POGO ay lumawak dahil sa hindi nare-regulate na mga financial transactions.
“Illegal activities and illegal POGOs will not proliferate if they are not able to transfer money. So I humbly suggest as well, Mr. Chair, that we tighten our rules on anti-money laundering,” dagdag pa ni Luistro.