10,789 total views
Binigyang-diin ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani, Jr. ang kahalagahan ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa mga pampublikong pagdinig o public hearings.
Ito ang pahayag ni Bishop Bacani kaugnay sa mga naging pagkilos ni Vice president Sara Duterte sa budget hearing para sa Office of the Vice President (OVP), gayundin sa Department of Education (DepEd) kung saan siya’y nagsilbing kalihim.
Ayon sa obispo, hindi dapat palampasin ang mga kilos ng mga opisyal ng pamahalaan na maaaring nagpapakita ng pagsasawalang-bahala sa sinumpaang tungkulin.
“Huwag palalampasin ang katulad ng ginawa ni VP Duterte kamakailan sa public hearing tungkol sa budget,” ayon kay Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Bacani na ang mga opisyal ng pamahalaan, katulad ni VP Duterte, ay may tungkuling maging bukas sa publiko at ipaliwanag nang malinaw ang kanilang mga pagkilos at paggastos ng pondo ng bayan.
Una nang sinabi ng obispo na ang “public office is a public trust”, at nararapat lamang na ang mga nasa katungkulan ay managot at maging tapat sa kanilang gawain.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Governance and Public Accountability nitong September 18, tumangging sagutin ni VP Duterte ang mga tanong hinggil sa maling paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan.
Bagamat dumalo sa pagdinig bilang resource person, hindi nanumpa ang bise presidente na anuman ang kanyang ipahayag ay totoo.
Una rito’y nagkasundo ang House Committee on Appropriations na bawasan ng higit-60 porsyento ang pondo ng OVP para sa susunod na taon.