77,451 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang birthday noong ika-13 ng Setyembre, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na naglaan ang kanyang opisina ng mahigit 300 milyong pisong pondo para gawing libre ang mga serbisyo sa mga pampublikong tertiary hospitals. Dito sa Metro Manila, isa sa mga ospital na ito ang Philippine General Hospital o PGH, na takbuhan ng mga mahihirap nating kababayang nagkakasakit o kailangang magpaospital.
“This is my treat to you,” masayang inanunsyo ni PBBM sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Agri-Puhunan at Pantawid Program sa Nueva Ecija.
Pero ang libreng pagpapaospital ay para lamang sa araw na iyon. Ayon pa sa Department of Health (o DOH), kailangang ma-interview ang mga pasyente o kanilang kapamilya ng tinatawag na Medical Social Services ng ospital. Pagkatapos ang assessment at evaluation, babayaran ang kanilang gastusin sa pamamagitan ng DOH Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program. Libre ang hospital bill ng mga naka-confine, ang kanilang mga gamot at kakailanganing laboratory procedures, chemotherapy, dialysis, at iba pa.
Sana birthday ni PBBM araw-araw.
Malaking bagay ang tulong na ito para sa ating mga kababayang hindi alam kung saang kamay ng Diyos kukunin ang kanilang panggastos sa ospital at iba pang serbisyong medikal. Noong birthday ni PBBM, hindi sa kanya galing mismo ang ipinanlibre niya. Galing iyon sa Office of the President na ang pondo ay mula naman sa kaban ng bayang pinag-ambag-ambagan natin. Suwerte ang mga pasyente sa mga piling ospital sa araw na iyon, pero hindi nila utang na loob na mabawasan ang kanilang gastos sa pagpapaospital.
Matagal nang gawi ng ating mga pulitiko ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan na para bang galing sa sarili nilang bulsa ang kanilang ipinamamahagi. Kitang-kita ito sa mga serbisyong pangkalusugan. Araw-araw, mahaba ang pila ng mga humihingi ng tulong sa mga opisina ng mga mayor, gobernador, o kongresista. Requirement kasi ang kanilang guarantee letter para ipakita sa ospital na sasagutin ng pulitiko ang bahagi o lahat ng gastusin ng pasyente.
Hindi na rin bago ang zero billing policy sa ilang pampublikong ospital. Sa mga ospital na ito, sinasagot ng lokal na pamahalaan ang hospitalization ng mahihirap na pasyente. Ang pambayad ay mula sa Medical Assistance for Indigent Patients (o MAIP) Program. Malaking bahagi ng pondo para sa programang ito ay mula sa mga lokal na opisyal, kabilang ang mga kongresista at ilang partylist groups. Karaniwang pinupunan ng programang ito ang ibang gastusing hindi mako-cover ng PhilHealth.
Pero ito ang problema sa programang ito. Kung may PhilHealth na tayo, bakit pa may MAIP Program kung saan dumadaan pa sa mga pulitiko ang pondo? Bakit hindi na lang ilagak sa PhilHealth, bilang national health insurance program sa bansa, ang perang ipanggagastos para sa pagpapaospital at iba pang serbisyong medikal ng mga pasyente?
Obvious naman po siguro ang sagot: mawawalan ng pagkakataon ang mga pulitikong maningil ng utang na loob sa mga botanteng “tutulungan” nila.
Salungat ito sa ipinaaalala ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti. Aniya, tinatawag ang mga pulitikong asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga taong kanilang pinaglilingkuran. Solusyon sa mga mabibigat na problema ng taumbayan—hindi ang pansarling interes at kasikatan—ang dapat nilang pagtuunan ng pansin. Pero sa ating bansa, ginagamit ang mga pampublikong serbisyo para iangat ng mga pulitiko ang kanilang sarili.
Mga Kapanalig, sa isang banda, hindi dapat sariling kapakanan ang unahin ng ating mga lider, gaya ng paalala sa 1 Corinto 10:24. Sa kabilang banda, huwag nating ituring na utang na loob sa mga pulitiko ang mga serbisyong dapat lang naman nilang ihatid sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.