10,068 total views
Nagpasalamat ang Diyosesis ng San Pablo sa Panginoon sa patuloy na pagpapadama ng pag-ibig sa pagkakaloob ng punong pastol na manguna sa kristiyanong pamayanan sa lugar.
Ito ang panalangin ng diyosesis habang naghahanda sa pagdating ni Bishop designate Marcelino Antonio Maralit Jr. na itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang ikalimang obispo ng diyosesis noong September 21.
“Nagpapasalamat kami sa iyo sa paghirang kay Obispo Marcelino Antonio bilang aming bagong obispo at tagapanguna. Ang pagsusugo mo sa kanya bilang aming pastol ay tanda ng iyong walang sawang pagsubaybay sa amin,” bahagi ng panalangin ng diyosesis.
Dalangin ng mananampalataya ng diyosesis ang puso ng bagong obispo na kahalintulad ng puso ng Mabuting Pastol na handang maglingkod at magmahal sa kawang ipinagkakatiwala sa kanyang pangangalaga.
Gayundin sa mahigit 200 mga pari ng diyosesis na magiging katuwang ni Bishop Maralit sa pagpapastol sa tatlong milyong katoliko ng lalawigan ng Laguna.
“Ipinapanalangin din namin ang aming mga kaparian na katuwang ng aming obispo sa paglilingkod. Pagkalooban mo rin sila ng pusong masunurin at maamo upang sila ay maging mga mabuting katuwang at kamanggagawa ng obispo sa pagtataguyod ng kabutihan ng iyong bayan,” anila.
Hiling din ng diyosesis sa Panginoon ang paggabay sa mananampalataya na maging handa sa pagtanggap kay Bishop Maralit nang may kababaang loob at kapakumbabaang sumunod sa pagpapastol ng bagong obispo gayundin ang suporta at pakikiisa sa mga gawain ng simbahan.
Nauna nang nakipagpulong kay Bishop Maralit ang binuong Ad Hoc Committee ng Diocese of San Pablo para sa nakatakdang installation ng obispo sa November 21 sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Paghahandog kay Maria sa Templo.
Kasalukuyang pinangasiwaan ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara bilang Apostolic Administrator ang diyosesis makaraang maging sede vacante noong September 2023.