9,784 total views
Bishop Vergara, pinangunahan ang pagtatalaga sa dambana sa San Ruiz Parish Church.
Pinangunahan ni San Pablo Apostolic Administrator Bishop Mylo Hubert Vergara ang pagtatalaga sa Dambana at Simbahan ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Sta. Rosa City, Laguna.
Isinagawa ang pagdiriwang nitong September 27, bisperas ng kapistahan ni San Lorenzo Ruiz, kung saan nakatuwang ni Bishop Vergara si Military Bishop Oscar Jaime Florencio, gayundin ang mga pari, at mananampalataya ng parokya at ng Diyosesis ng San Pablo.
Matatagpuan ang bagong simbahan ng San Lorenzo Ruiz Parish malapit sa Dominican College of Sta. Rosa, sa tapat ng isang kilalang amusement park sa lungsod.
Pinasimulan ang pagpapagawa ng bagong simbahan sa ilalim ng pamumuno ni Msgr. James Contreras at ipinagpatuloy ng kasalukuyang kura paroko, Fr. Jeremias Oblepias, Jr.
Magugunita noong September 28, 2019 nang lagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Dominican Sisters, San Lorenzo Development Corporation, at San Lorenzo Ruiz Parish, kasama si San Pablo Bishop-emeritus Buenaventura Famadico.
Ang pagtatalaga sa bagong simbahan ay bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Lorenzo Ruiz ngayong September 28.
Si San Lorenzo Ruiz ang kauna-unahang Pilipinong santo, na pinaslang sa Nagasaki, Japan dahil sa kanyang paninindigan sa pananampalataya, kasama ang iba pang mga martir.
Ginanap ang kanyang canonization noong October 18, 1987 sa Vatican, sa pangunguna ng noo’y Santo Papa, St. John Paul II.
Si San Lorenzo Ruiz ay tinaguriang pintakasi ng kabataang Pilipino, mga Overseas Filipino Worker (OFW), at mga altar server.