83,930 total views
Mga Kapanalig, dahil sa hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte sa deliberasyon ng inihahaing badyet ng kanyang opisina, mukhang hindi na raw interesado ang pangalawang pangulo sa kanyang trabaho. Dahil dito, baka pwede niyang ikonsiderang bumaba na lang sa puwesto.
Iyan ang opinyon ni House Deputy Speaker at kinatawan ng ikalawang distrito ng Quezon na si Congressman David Suarez. Ito rin daw ang sentimiyento ng marami niyang kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Sa halip na dumalo sa plenary debates kung saan bubusisiin ang hinihinging badyet ng Office of the Vice President (o OVP), mas piniling pumunta ni VP Sara sa isang beach resort.
Kinlaro ito ng OVP. Bago ang plenary debates na itinakda noong isang Lunes, sumulat na raw ang bise presidente sa sponsor ng badyet ng kanyang opisina para sabihing ipinauubaya na lang niya sa mga mambabatas ang pagtalakay at pagpapasya. Ang pagpapalaki ng isyu tungkol sa pagpunta ni VP Sara sa isang beach ay isang pagtatangka raw na sirain ang kanyang reputasyon.
DZRV846 SOCMED PACKAGE 2024_6Para sa mga mambabatas na pumupuna sa ginawa ni VP Sara, bahala na raw ang mga Pilipinong humusga. Anong tingin ninyo, mga Kapanalig?
Ibang usapin ang tila lumalakas na pagpuna ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan kay VP Sara. May mga alingasngas ngang gusto naman talaga nilang patalsikin ang bise-presidente sa kanyang puwesto sa pamamagitan ng impeachment. Siyempre, hindi nila iyon aaminin. Wala raw pulitika, trabaho lang, sabi ng ilang mambabatas, pati ni Pangulong BBM.
Pero ibang usapin din—at mas matimbang pa ngang isyu—ang pagtrato ni VP Sara sa proseso ng pagsasabatas ng badyet ng gobyerno. Sa simula pa lamang ng deliberasyon sa budget proposal ng OVP, mainit na ang naging palitan ng salita ng bise-presidente at ng mga mambabatas. Ayaw niyang tumanggap ng mga tanong mula sa mga kongresista. Sa isang kasunod na pagdinig, tumanggi siyang manumpa sa simula ng hearing, bagay na, ayon sa isang mambabatas, tila nagpapahiwatig na ayaw ng pangalawang pangulo na lumabas ang totoo. Lagi kasing inuusisa ang paggamit ng OVP sa confidential funds nito noong 2022. Kinuwestyon din sa Senado ang hinihiling ng opisina na sampung milyong para sa paglilimbag ng isang librong isinulat daw ni VP Sara.
Maliban sa tungkuling magpanukala ng mga batas, may tinatawag ding “power of the purse” ang Kongreso. Saklaw ng trabaho nilang magpasá ng batas na magpapahintulot sa ehekutibo na gamitin ang kaban ng bayan para sa mga programa at proyektong gagawin nito sa isang taon. Ang batas na ito ay tinatawag na General Appropriatrions Act, at malaking bahagi ng pagbuo nito ang pagbusisi kung tama nga ba ang mga paggagamitan ng inihahaing badyet. Binabalikan din ang naging performance ng mga opisina para masabing karapat-dapat itong pagkatiwalaan ng pera ng publiko. Ang pagpapasá ng badyet ay kasama sa tinatawag na checks and balances sa pamahalaan.
Kaya mahalagang nakikipagtulungan ang mga nasa ehekutibo sa mga pagdinig tungkol sa inihahaing badyet ng mga opisina nito, kabilang ang OVP. Kung malinis nga naman ang record at maayos ang performance ng isang ahensya, wala naman sigurong dahilan para dedmahin ang mga sumusuri sa badyet at magpapasa ng batas. Ang “mga bagay na totoo… at malinis,” wika nga sa Filipinos 4:8, ay “mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri.” Dapat itong ipagmalaki ng mga pinuno nating tunay na pinahahalagahan ang mga ito. Walang dapat itinatago.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Cathoilic social teaching na Fratelli Tutti, sa pakikipagdiyalogo, natatagpuan natin ang katotohanan. May pamumulitika man o wala, katotohanan ang dapat pinaninindigan ng ating mga lingkod-bayan. Samakatuwid, dapat silang maging laging bukás sa pagsisiyayat at pagsusuri.
Sumainyo ang katotohanan.