8,493 total views
Tiniyak ng Pastoral Care Committee ng Lung Center of the Philippines sa pamumuno ni Chaplain Fr. Almar Roman, M.I. ang patuloy na paglingap sa pangangailangan ng mga may karamdaman.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ni St. Therese of the Child Jesus ang patrona ng ospital, binigyang diin ni Fr. Roman ang pagsasagawa ng mga programang makatutulong sa espiritwalidad ng mga pasyenteng naka-confine sa pagamutan.
Sinabi ng pari na mahalaga ang paglingap sa mga maysakit upang maibsan ang mga dalamhating naramdaman dahil sa iniindang sakit gayundin sa pagbabahagi ng habag, awa at pag-ibig ng Panginoon sa mga nahihirapan.
“Ang Pastoral Care Committee sa pangunguna ng inyong lingkod ay laging tumututok sa espiritwal na pangangailangan ng mga maysakit, bumibisita sa kanila, nagdarasal sa kanila, nagbibigay ng huling sakramento o pagpahid ng banal na langis upang maramdaman nila yung pagkalinga’t pagmamahal ng Diyos,” pahayag ni Fr. Roman sa Radio Veritas.
Sinabi ng pari na ang kapistahan ni St. Therese ay paalala sa mga maysakit lalo na ang may karamdaman sa baga na nakikilakbay ang Panginoon na nagbibigay hilom sa bawat isa.
Aniya, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga maysakit sapagkat ang Diyos ang lunas na umaagapay sa anumang pagkakataon.
“Paalala lagi sa mga maysakit lalo na rito sa Lung Center of the Philippines na laging kumapit sa Diyos anumang nararamdaman, anumang sakit na pinagdaraanan sapagkat ang Diyos ang maghihilom sa kanilang karamdaman at laging nariyan sa oras ng kanilang nararamdamang sakit, hinding hindi sila pababayaan at lagi silang sasamahan,” ani Fr. Roman.
Pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang pagdiriwang katuwang si Fr. Roman kasama ang iba pang bisitang pari lalo na ang Camillian missionaries na pangunahing gawain ang pagkalinga sa mga maysakit.
Umaasa si Bishop Ongtioco na tularan din ng iba pang institusyon ang gawain ng LCP na pagpapahalaga sa mga espiritwal na gawain at pagpaparangal sa mga banal na tumutulong sa pananalangin sa mga may karamdaman.
“Sana ang ibang institusyon ay matuto rin po sa Lung Center na they see the importance of saints in their lives, ang mga banal na tumutulong sa atin na maging matatag tayo, may pag-asa sa buhay anuman ang mangyayari dahil mayroon tayong Diyos Amang nagmamahal at kumakalinga,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Ikinalugod ng obispo ang mahigit dalawang dekadang pamimintuho at pagpaparangal ng LCP kay St. Therese lalo’t ang ospital ay kumakalinga sa mga maysakit sa baga tulad ng karanasan ng santo.
Dumalo sa pagdiriwang ang mga opisyal at kawani ng LCP sa pangunguna ni Director Vincent Balanag Jr. gayundin ang mga kinatawan ng karatig ospital.