14,271 total views
Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang pinakabagong desisyon ng Korte Suprema na nagbibigay diin na hindi na kinakailangan pa ng proof of resistance o patunayan ng mga biktima ng panggagahasa ang pagtutol sa mga kaso ng pang-aabuso o sexual assault sa pamamagitan ng puwersa, pagbabanta, o pananakot.
Ayon sa komisyon na pinangangasiwaan ni CHR Chairperson Atty. Richard Palpal-latoc, mahalagang ang naturang desisyon upang ganap na matiyak na ang mga biktima ng panggagahasa ay hindi makaranas ng hindi naangkop na pagsisiyasat, paninisi o hindi patas na pasanin ng pagpapatunay sa paghahanap ng katarungan o unfair burden of proof in seeking justice.
“The Commission on Human Rights (CHR) welcomes the recent Supreme Court (SC) ruling affirming the principle that victims of rape are not required to prove resistance in cases where sexual assault is committed through force, threat, or intimidation. This landmark decision represents a significant step forward in ensuring that rape victims are not subjected to undue scrutiny, blame, or an unfair burden of proof in seeking justice.” Bahagi ng pahayag ng CHR.
Paliwanag ng CHR, ang pag-aatas sa mga biktima ng panggagahasa na patunayan ang kanilang pagtutol sa naranasang pisikal na pang-aabuso ay maituturing na pagbabalewala sa malagim na karanasan ng mga biktima na maaaring naparalisa dahil sa matinding takot, panggigipit ng lipunan, o pagbabantang pisikal at sikolohikal.
Giit ng CHR ang panggagahasa ay isang matinding paglabag sa karapatang pantao at dignidad isang tao kaya naman hindi naaangkop na ituring na pagsang-ayon ang kakulangan ng pisikal na patunay sa pagtutol ng isang biktima sa kanyag pinagdaanang pang-aabuso.
Ayon sa komisyon ang nasabing desisyon ng Korte Suprema ay isang kongkretong pagbibigay proteksyon at pagtiyak na matanggap ng mga biktima ng panggagahasa ang katarungan mula sa kanilang naranasang pang-aabuso.
“Rape is rape. It is a grave violation of human dignity and must be unequivocally condemned in all its forms. The Commission believes that the notion that a lack of physical resistance implies consent is not only harmful but rooted in archaic and patriarchal views that have no place in our society. The SC’s decision is a clear affirmation that victims of rape deserve protection and justice, regardless of whether they physically resisted their attacker.” Dagdag pa ng CHR.
Umaasa naman ang CHR na patuloy na magkaroon ng mga naaangkop na reporma sa batas na magbibigay proteksyon sa mga biktima ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso, magpapanagot sa mga abusado at nagkasala at makapagtitiyak sa kapakanan ng bawat mamamayan sa lipunan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, kinakailangang protektahan at gabayan ang mga mamamayang kabilang sa maliliit na sektor ng lipunan gaya ng mga kababaihan, kabataan at mga may kapansanan, upang mabigyan ng sapat na kakayan at suporta sa kanilang kapakanan sa lipunan.