10,674 total views
Homily October 6, 2024
27th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Gen 2:18-24 Heb 2:9-11 Mk 10:2-16
Naniniwala ba kayo na alam ng Diyos ang ginagawa niya? Siyempre, Diyos yata siya. Naniniwala ba kayo na mabuti sa lahat ang ginagawa ng Diyos? Siyempre, Diyos yata siya at mabait siya. Hindi naman siya gumagawa ng ikasasama ng nilikha niya at hindi niya tayo pahihirapan.
Sa unang pagbasa natin tinuturuan tayo ng Diyos kung ano ang plano niya tungkol sa tao sa pamamagitan ng kwento. Ang mahalaga ay hindi ang kwento kundi ang katuruan ng Salita ng Diyos. Ang mahalaga ay hindi ang kwento kasi ito ay isang paraan lang na ginamit ng Bibliya upang ipaabot sa atin ang Salita ng Diyos. Sinabi sa kwentong ating narinig na hindi mabuti sa tao na mag-isa siya. Kailangan niya ng kasama, ng kapartner. Walang makitang kapartner na nararapat sa tao sa mga hayop. Ang kapartner na binigay ng Diyos sa lalaki ay ang babae. Sila ay nararapat sa isa’t-isa sapagkat sila ay isang laman lamang – laman ng aking laman, buto ng aking buto, ang sabi ng lalaki. Ang babae ay hindi hiningi ng lalaki. Siya ay kusang binigay ng Diyos. Natotolog siya noong ginawa ng Diyos ang babae. Ang lalaki at babae ay regalo ng Diyos sa isa’t-isa.
Iba ang lalaki kaysa babae pero pantay sila sa dangal. Pantay sila sa pagkatao. Unang nakapagsalita ang tao noong mayroon na siyang kapartner na tulad niya. Pinagsama sila ng Diyos. Nandoon ang Diyos sa unang kasal ng lalaki at babae. Napakatindi ng kaugnayan ng lalaki sa babae na iiwan niya ang kanyang ama’t ina upang sumama siya sa kanyang asawa. Sa pagsasamang ito naging isang laman na lamang sila. Ang mga ito ang katuruan sa atin ng Salita ng Diyos na galing sa kwento ng paglikha ng Diyos sa lalaki at babae na mula sa aklat ng Genesis, ang unang aklat ng Bibliya.
Si Jesus ay gustong subukin ng mga pariseo. Noong panahon ni Jesus may isang mainit na pagdedebate ng mga guro ng mga Hudyo kung anong dahilan pwede hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Kaya tinanong si Jesus tungkol dito. Sinusubok nila si Jesus. Pinapayagan ng batas ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa pero hindi maliwanag sa anong kadahilanan – kailangan bang mabigat na dahilan tulad ng pagtataksil ng babae o kahit anong dahilan lang, tulad ng sawa na siya sa pagluluto ng babae. Nabigla ang mga tao sa sagot ni Jesus. Ayon kay Jesus pinayagan lang sila ni Moises na hiwalayan ang kanilang asawa dahil sa katigasan ng kanilang puso, pero hindi iyan ang original na plano ng Diyos. Ginawa ng Diyos ang lalaki at babae at pinag-isa sila. Hindi na sila dalawa kundi iisa na lamang. Ang pinag-isa ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.
Pati ang mga alagad ni Jesus ay nabigla sa katuruan na ito ni Jesus. Kaya noong sila-sila na lamang sa bahay, tinanong uli nila si Jesus tungkol sa bagay na ito. Pareho ang sagot ni Jesus. Hindi pwedeng hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Kaya kapag nag-asawa uli ang lalaki na humiwalay sa kanyang asawa ay nangangalunya siya, kasi sa totoo lang may asawa pa rin siya. Gayon din ang lalaki na nag-asawa ng isang babaeng hiniwalayan, siya ay nangangalunya rin, kasi kinakasama niya ang babaeng may asawa pa. Maliwanag ang katuruan ni Jesus – walang divorce. Tumututol ang simbahan sa divorce kasi ito ay ang katuruan ni Jesus – ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao. Ang lalaki at babae na ikinasal sa simbahan ay nakakatanggap ng bendisyon ng Diyos kasi sila ay pinagsama ng Diyos. Hindi lang sila gumagawa ng kasunduan sa isa’t-isa. Sila ay tumatanggap ng sakramento. Dahil sa pinagsama sila ng Diyos, walang batas ng tao ang makapaghihiwalay sa kanila.
Ang paraan at batas ng Diyos ay mabuti sa tao. Malaki ang kasamaang nangyayari sa mga pamilya dahil sa divorce. Ang nagdurusa dito ay ang mga anak at mga babae na iniiwanan. Mahal ni Jesus ang mga bata kaya pinapalapit niya sila sa kanya at binebendisyunan sila. Malaki ang epekto ng divorce sa mga bata. Ayaw ni Jesus na mapasama ang mga bata.
Nagdadahilan ang iba, ano kung nagkamali lang daw si lalaki at si babae sa pag-aasawa nila, hindi ba sila pwedeng bigyan ng second chance. Pero ang daming nangyayari ngayon na ang isang tao ay hindi lang minsan nagdivorce – ilang beses pa siya nagdidivorce. Ito ay pangalawang asawa niya, iyan ang pangatlo, at iyon naman ang pang-apat. Nagiging ganito kasi kung may divorce: hindi na magsisikap na pangalagaan ang kasal at hindi na ibibigay ng ikakasal ang buong kalooban niya sa kanyang asawa kasi hindi naman siya nakakasigurado kung ang pagsasama nila ay tatagal. Pero ngayong walang divorce pagsisikapan ng mag-asawa na ibigay ang lahat sa kanilang kasal kasi panghabang buhay na ito. Itataya na niya ang lahat dito.
Oo, may mga kasal na hindi naging maayos. Iresponsable ang lalaki o ang babae, binubugbog ang babae o ang mga anak, at marami pang ibang pang-aabuso. Wala na bang pagkakataon na magkaroon sila ng maayos na buhay? Una, tinutulungan ba sila na magkaroon ng maayos na buhay? Divorce lang ba ang solusyon? Mayroon ding legal separation ayon sa batas at mayroon ding annulment. Maraming kasal ay hindi tunay na kasal kasi hindi responsable ang isa o dalawang partner, o napilitan lamang, o nalinlang ng kapartner. Pwedeng ideklara na walang bisa ang kanilang pagsasama. Iyan ay ang annulment. Maaari namang gumawa ng batas upang hindi maging mahal o mahirap ang proseso ng pagpapawalang bisa ng pagsasama sa kasal.
Pero mas makakatulong sa mga mag-asawa na may problema sa kanilang pagsasama na sila ay tulungan ng mga kamag-anak, ng mga kaibigan, ng simbahan at ng pamahalaan. Kapag sila ay natulungan, maisasaayos ang kanilang pagsasama at ang kanilang pamilya. Kung pagsisikapan ng lahat, maraming problema ay malulutas at hindi na hahantong sa paghihiwalay. At huwag nating kalimutan na tumutulong din ang Diyos kasi pinagsama niya sila sa sakramento ng kasal. Nakakatulong sa kasal ang simbahan. Malaki ang magagawa ng bendisyon ng Diyos kung ang mag-asawa ay lumalapit sa Diyos, tumatawag sa kanya sa kanilang panalangin, at sumusunod sa Salita ng Diyos. Hindi pababayaan ng Diyos ang binendisyunan niya.
Mga kapatid, mahalaga ang pamilya. Ang Anak ng Diyos, noong siya ay naging tao, naging bahagi din siya ng isang pamilya, kaya mayroon tayong Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose. Nandiyan ang Banal na Mag-anak na siguradong tumutulong sa lahat ng mga pamilya. Tumawag tayo sa kanila.
Lahat tayo ay magsikap na pangalagaan ang pamilya. Mga magulang at mga anak, magdasal kayo bilang pamilya at palaging humingi ng biyaya ng Diyos sa inyong pamilya. Walang problema na hindi malulutas sa tulong ng Diyos. Mga Kabataan, matuto kayong tunay na magmahal at igalang ang inyong katawan. Panatilihin itong karapat-dapat para sa inyong magiging asawa. Mga magkasintahan, huwag magmadali na magpakasal. Kilalanin nang mabuti ang inyong kasintahan at matutuhan na siya’y mahalin ng tunay at hindi paglaruan. Hindi lang i-consider ang pera sa pagpapakasal. Mas lalong i-consider ang pag-uugali at pagtutulungan. Kaya ba ninyong maging magkapartner ng habang buhay? Iyan ang kalooban ng Diyos sa pag-aasawa!