8,587 total views
Tiniyak ng Cooperative Development Authority (CDA) ang pagsusulong ng katarungang panlipunan upang magkaroon ng kakayahan ang mga mamamayan higit na ang mga kasapi sa mga kooperatiba na mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Ito mensahe ni CDA Chairman Joseph Encabo sa pagpapasinaya ng ahensya sa pagsisimula ng National Cooperative Month para sa buong buwan ng Oktubre.
Ayon kay Encabo, ang mensahe ay dahil nagsisimula pa lamang ang mga kooperatiba dahil kada taon ay patuloy ang pagdami ng mga miyembro at bilang ng mga kooperatiba na nagsisimula sa magkakaibang panig ng Pilipinas.
“Patuloy ang pag-unawa at pagbibigay halaga ng bawat kooperatiba sa ating bansa at talagang nagbibigay ng malaking kontribusyon para sa ating pang-ekonomiya at sa promotion ng tinatawag nating social justice sa ating mga kapwa Pilipino at ako’y nasisiyahan dahil patuloy at talagang tinatangkilig ng mga mamamayang Pilipino ang kahalagahan at importansya ng mapabilang ka sa isang kooperatiba,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Encabo.
Paanyaya ni Encabo sa mga Pilipino at higit na sa mga pribadong insitusyon, kompanya, organisasyon at samahan ang pagsuporta sa mga kooperatiba.
Ito ay dahil nananatiling tulay ang mga kooperatiba sa lipunan tungo sa pagpapaunlad ng buhay ng mga miyembro nito dahil pagpapalago ng pinagsama-samang yaman ng mga miyembro.
“Sa lahat po ng mga ahensya ng gobyerno, sa mga pribadong negosyante, mga eskwelahan, mga different private organizations, tayo po ay magbuklod-buklod at tignan po natin kung paano po makatulong ang kooperatiba sa inyong mga gawain at sa inyong mga adbokasiya, Ganun din po kung paano kayo makatulong sa mga kooperatiba upang gumanda ang kanilang mga business engagements, kami po ay bukas sa mga partnerships at sana po ay sa ating mga oportunidad na nakikita ay ito ay isang malaking kontribusyon,” bahagi pa ng panayam kay Encabo.
Sa pinakabagong datos ng CDA, umaabot na sa 20-libo ang bilang ng mga kooperatiba sa Pilipinas, miyembro nila ang 12.4-milyong Pilipino sa magkakaibang bahagi ng bansa.
Magugunita na noong 2015, una ng kinilala ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang mahahalagang tungkulin ng mga kooperatiba sa lipunan dahil nagsisilbi itong pamamagitan ng mga miyembro tungo sa pag-unlad kung saan bukod sa pagpapalago ng pinagsama-samang yaman ay nagbibigay din ang mga kooperatiba ng oportunidad ng trabaho sa mas marami pang mamamayan.