8,155 total views
Inihayag ni Cebu Archbishop Jose Palma na magandang pagkakataon ang isinasagawang CHARIS Convention upang manariwa sa damdamin ng tao ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa nagpapatuloy na CHARIS National Convention na binuksan nitong October 4.
Sinabi ni Archbishop Palma na sa pamamagitan ng karisma ng charismatic communities ay muling naisasabuhay ng bawat isa ang pag-ibig ng Panginoon na patuloy ibinabahagi sa mga pamayanan.
“If you think of how privileged we are to be loved by the Lord and to be reminded that through baptism of the Spirit we can recover joy of feeling the love of God and reaching out to others through our various ministries; Napakahalaga nito because we are given the opportunity to discern to reflect and of course to know that we can make a difference for the better in the journey of the world,” pahayag ni Archbishop Palma sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ng punong pastol sa halos limang milyong katoliko sa lalawigan ng Cebu na sa pamamagitan ng Espiritu Santong ipinagkaloob ng Diyos ay pinagtitibay nito ang pagmimisyon ng mananampalataya sa pamamagitan ng pagbubuklod sa paglalakbay bilang simbahang sinodal.
Iginiit ng arsobispo na sa tulong ng charismatic communities ay mas mapaigting ang kapatiran at pagbubuklod ng mamamayan upang makamit ang kapayapaan ng lipunan.
Tinuran din ni Archbishop Palma ang pagkakataong nagkatipon ang mga miyembro ng charismatic communities’ ng Pilipinas at nagpanibago sa binyag ng Espiritu Santo kasabay ng paghahanda ng simbahang katolika sa Taon ng Hubileo sa 2025.
“Napakahalaga nitong ating pagtitipon kasi to me it’s a wonderful preparation specially we look forward to the jubilee year which will be launched on December 24,” ani Archbishop Palma.
Batay sa datos ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals na nangasiwa sa CHARIS Convention humigit kumulang 2, 500 delegado ang dumalo sa pagtitipon mula sa iba’t ibang mga diyosesis sa bansa.
Pinangunahan naman ni Archbishop Palma ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa unang araw ng convention kasama si Digos Bishop Guillermo Afable katuwang ang mga paring itinalagang spiritual director ng mga charismatic ng kanilang mga diyosesis.
Magtatagal naman ang First CHARIS Con sa October 6 kung saan tampok sa tatlong araw na pagtitipon ang mga panayam mula sa mga kilalang personalidad at eksperto na kasapi rin ng charismatic communities.