54,824 total views
Mga Kapanalig, bago matapos ang National Teacher’s Month noong Sabado, ika-5 ng Oktubre, na kasabay din ng World Teachers’ Day, may regalong ibinigay ang Department of Education (o DepEd) sa ating mga pampublikong guro.
Sa bisa ng DepEd Order No. 13, maaari nang bigyan ang mga public school teachers ng hanggang 30 vacation service credits. Ito ay doble ng umiiral na 15. Ang mga leave credits na ito ay magagamit ng mga guro bilang pamalit sa mga araw na lumiban sila dahil sa sakit o anumang personal na rason. Dagdag ng kagawaran, tugon nila ito sa mga panawagang gawing patas ang oras ng pagtatrabaho ng mga guro at bigyang-kompensasyon ang mga trabahong ginagawa nila sa labas ng silid-aralan.
Maaari ding bigyan ng vacation service credits ang mga teachers para sa tinatawag na teaching overload sa mga pagkakataong kulang ang pondo para bayaran sila sa pagtatrabaho nang higit sa itinakdang oras nila kada araw. Bukod pa ito sa dinobleng vacation service credits. Anim na oras lamang ang regular teaching hours ng isang guro sa pampublikong elementary school o high school. Sa ilalim ng kalalabas na direktiba ng DepEd, ang anumang oras na lampas dito ay babayaran o papalitan ng vacation service credits, depende sa bilang ng extra na oras ng pagtatrabaho. Ang isang oras na hindi mababayarang overload work ay tutumbasan ng isang oras at labinlimang minutong vacation credits.
Magandang balita ito para sa ating mga teachers. Sabi nga, deserve nila ito!
Ang karagdagang vacation service credits ay matagal nang isinusulong mga mga grupong katulad ng Alliance of Concerned Teachers. Malaking tulong daw ang pagdodoble sa vacation service credits dahil walang sick leaves ang mga guro. Napipilitan silang magtrabaho kahit sa mga araw na dapat nagpapahinga o nagpapagaling sila dahil gusto nilang magkaroon ng service credits. Hindi talaga biro ang ginagampanang tungkulin ng mga itinuturing nating pangalawang magulang ng ating mga anak.
Matagal nang problema ng mga guro ang kanilang pagiging overworked o pagkapagod dahil sa patung-patong na trabahong ginagawa nila maliban sa pagtuturo sa mga bata. Isa nga ito sa mga nakikitang dahilan sa mababang academic performance ng mga mag-aaral. Hindi na nga sila nakatatanggap ng sahod na masasabing sapat para sa kanilang mga pangangailangan at akma para sa kanilang propesyon, pasán pa ng ating mga guro ang ibang mabibigat na trabaho sa labas ng eskuwelahan. Dahil sa pananaw na sinusuwelduhan naman sila ng gobyerno at maituturing na public servants, inaasahan silang maging tapat o committed sa kanilang trabaho at, kung kinakailangan, magsakripisyo alang-alang sa mga mag-aaral, sa paaralan, at sa komunidad. (Ganito rin ba ang kabigat ang inaasahan natin sa ibang lingkod-bayan gaya ng ating mga lider?) Sa laki ng inaasahan sa mga guro, naisasantabi ang kanilang kapakanan at kalusugan.
Ang pagbibigay sa ating mga guro ng dagdag na araw ng service credits ay sang-ayon sa dignidad ng pagtatrabaho, isang saligang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Pagkilala ito sa kanilang dangal na hindi nakatali dapat sa kanilang ginagawa kundi sa kanilang pagiging tao—sa kanilang kabutihan, kalusugan, at kaligtasan. Ang mga guro, minsang sinabi ni Pope Francis, ay hindi lamang tagapagsalin ng kaalaman sa kanilang mga tinuturuan. Ibinabahagi rin nila ang kanilang mga paninindigan o pinahahalagahan, gayundin ang kanilang katapatan sa buhay. Ang mga guro ay kabilang sa mga “tumanggap ng kaloob sa pagtuturo,” sabi nga sa Roma 12:7. Hindi nila magagampanan ang tungkulin o “kaloob” na ito kung sila mismo ay mahina, pagód, at binabalewala.
Mga Kapanalig, malaki ang ating inaasahan sa mga humuhubog sa isipan ng ating kabataan, kaya marapat lamang na bigyang-pansin din ang kanilang kapakanan.
Sumainyo ang katotohanan.