12,540 total views
Nagpahayag ng pagbati ang implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity sa pagkakatalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang bagong Cardinal ng simbahan.
Ayon kay LAIKO National President Bro. Francisco Xavier Padilla, lubos ang kagalakan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa pagkakatalaga kay Bishop David bilang isang Cardinal.
Pagbabahagi ni Padilla, pambihira ang paggabay at pag-alalay ni Cardinal-elect David sa misyon at tungkulin ng mga layko sa bansa partikular na sa pagbibigay diin sa tungkulin ng mga binyagan upang pakinggan at tugunan ang pangagailangan ng mga simpleng mamamayan lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Paliwanag ni Padilla, ito ang nagsilbing hamon at dahilan para sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas upang mag-ikot sa iba’t ibang diyosesis para marinig ang mga hinaing at sitwasyon ng laiko sa buong bansa.
“Natutuwa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa announcement ng Vatican na magiging Cardinal na si Bishop Ambo David! Si Cardinal-Elect Ambo David ay isa sa mga Bishop na hindi nagsasawang bumibigay ng advice at guidance sa Laiko. At palagi nyang china-challenge ang Laiko na pumunta sa mga taong walang boses – mga nasa periphery o laylayan. Paano sila mabigyan ng boses sa Laiko? Yan ang isang rason kung bakit umiikot ang Laiko ngayon sa Pilipinas, para makining at i-engage ang lahat ng mga Laiko.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Padilla ang pananalangin at ang buong suporta ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas para sa kakaharaping panibagong misyon at tungkulin ni Cardinal-elect David bilang bagong Cardinal ng Simbahan.
“God bless you, Cardinal-Elect Ambo David! The Philippine Catholic Laity are supporting and praying for you!” Dagdag pa ni Bishop David.
Si Cardinal-elect David na kasalukuyang punong pastol ng Diyosesis ng Kalookan ay siya ring Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magsisilbi bilang ika-sampung Pilipinong Cardinal kasunod nina Cardinals Jose Advincula, Orlando Quevedo, Luis Antonio Tagle, Gaudencio Rosales, Jose Sanchez, Ricardo Vidal, Jaime Sin, Julio Rosales at Rufino Santos.
Nakatakdang isagawa ng Vatican ang consistory para sa mga bagong cardinal sa December 8, 2024 kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria na nataon rin bago ang pormal na pagbubukas ng Jubilee Year ng Simbahang Katolika sa 2025, kung saan itinakda ni Pope Francis ang pagbubukas ng Holy Door ng Vatican sa December 24, 2024.