568 total views
Inaaasahang dadagsa ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa kapistahan nito sa ibat-ibang parokya sa araw ng Sabado, Pebrero 11, 2017.
Ayon kay Fr. William Bustamante, OFM Capuchin, rector ng National Shrine of Our Lady of Lourdes, Kanlaon corner NS Amoranto, Sta. Mesa Heights Quezon City, ito ay dahil kasabay ng pista ang limang Healing Mass sa parokya na ginagawa tuwing Sabado mula alas 5:30 ng umaga hanggang alas 6 ng gabi.
Pahayag ni Fr. Bustamante, kakaiba ang kanilang pagdiriwang ngayon dahil sa grand procession ng Mahal na Birhen, may dula na magaganap na tinawag na “Maringal na paglabas ng Mahal na Birhen” alas 5:30 ng hapon at ang “Maringal na pagbabalik ng Mahal na Birhen ng Lourdes, alas 8:30 ng gabi.
Kasalukuyan namang nasa himpilan ng Radio Veritas ang pilgrim image na ito na siyang ginagamit din sa prusisyon ng parokya.
Ang Pebrero 11 ang araw na itinakda ng Simbahan na kapistahan ng Lourdes dahil ito ang pinakamahalagang araw sa pagpapakita ng birhen kay Bernadette sa Lourdes France.
Sinasabing 18 beses na nagpakita ang Birhen kay Bernadette kung saan magpahanggang ngayon dinadagsa ang lugar lalo na ang bukal, maraming naliligo at umiinom ng tubig nito at nagpatotoo na sila ay gumaling mula sa kanilang karamdaman.
“Ito ang araw na nagpakita ang Mahal na Ina sa Lourdes, France kay Bernadette, 18 times siya nagpakita kay Bernadette marami siyang mensahe na dala dala para sa mananampalataya. February 11, ito ang itinakda ng Simbahan na kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes dahil ito ang pinaka-climax sa pagpapakita ng Mahal na Ina kay Bernadette. Marami pa rin ang nagpupunta sa Lourdes France naliligo, umiinom ng tubig sa bukal at sila ay nagpapatunay na nagpapatotoo na sila ay gumagaling.” pahayag ni Fr. Bustamante sa panayam ng Radio Veritas.