6,216 total views
Hinikayat ni Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo ang mga theology seminarian ng Visayas na paigtingin ang buhay pananalangin para sa tinatahak na bokasyong maglingkod sa Diyos at sa kapwa.
Ito ang pagninilay ng obispo sa pagbukas ng 13th Gathering of Theology Seminarians in the Visayas (GTSV) na ginanap sa Seminario Mayor de San Carlos (SMSC).
Ayon kay Bishop Labajo, sa pananalangin ang pagkakataong makaniig at makausap ang Diyos.
“Praying together builds a community…Praying together eventually leads you to pray for one another,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Labajo.
Gayundin hinimok ng obispo ang mga seminarista sa pagdasal ng Santo Rosaryo lalo ngayong Oktubre na itinalagang Holy Rosary Month bilang pagbibigay parangal sa Mahal na Birheng Maria na gumagabay sa mamayan tungo sa landas ni Hesus.
Kasunod ng Banal na Misa ang opening ceremony sa weeklong celebration na magtatapos sa October 11 kung saan kabilang sa mga dumalo si Cebu Archbishop Jose Palma.
Tampok sa palatuntunan ang turnover ng GTSV cross, pagsapubliko GTSV logo at paglunsad ng themesong batay sa tema ngayong taon na “OREMUS: Embracing Prayer Through Encounter.”
Ang GTSV ay isinasagawa tuwing ikalawang taon na sinimulan noong taong 2000 o mahigit dalawang dekadang pagtitipon ng mga Theology seminarian ng Visayas region na layong palalimin ang ugnayan at bahagi ng paghuhubog sa mga magiging pastol ng simbahang katolika.
“This encounter has been about bringing future priests to dialogue, discernment, and fraternity,” ayon sa Archdiocese of Cebu.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga seminarista mula sa mga archdiocesan major seminaries ng Cebu, Palo, Jaro, at Capiz.
Pangungunahan naman ni Archbishop Palma ang closing mass sa October 11 sa alas 10 ng umaga sa Venerable Teofilo Camomot Shrine sa Carcar City, Cebu.