6,781 total views
Mahigit 250 siklista at mga tagapagtanggol ng kalikasan ang nagtipon-tipon para sa 3rd Bike for Kalikasan sa Cagayan de Oro City noong October 5.
Naging matagumpay ang gawaing inorganisa ng Caritas Philippines katuwang ang Archdiocese of Cagayan de Oro kung saan kabilang sa mahalagang bahagi ang makasaysayang deklarasyon ng climate emergency sa arkidiyosesis.
Nagagalak naman si Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa suporta ng mga mananampalataya at biking associations dahil sa pagpapakita ng pagkakaisa para sa isinusulong na inisyatibo.
“Our 3rd Caritas Bike For Kalikasan was a success, embodying the Season of Creation’s theme of ‘Hope and Act for Creation’. The enthusiasm shown by participants from the Archdiocese of Cagayan de Oro, the Diocese of Malaybalay, and various biking associations demonstrates our collective commitment to environmental stewardship,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Inilunsad din sa gawain ang Koalisyon sa Nagkahiusang Lihuk para sa Kinaiyahan, isang samahan ng civil society at non-governmental organizations na magtataguyod ng mga programa para sa pangangalaga ng kalikasan at pagtugon sa climate emergency.
Umaasa naman si Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na ang mga inisyatibong katulad ng bike caravan ay higit pang mapalakas at mapalawak upang maisakatuparan ang layuning pangalagaan ang nag-iisang tahanan.
“This bike event is part of our activities aimed at caring for our common home. We hope this sparks more activities, programs, and advocacies that focus on protecting our environment, as this is the call of our time,” saad ni Archbishop Cabantan.
Patuloy ring sinusuporatahan ng inisyatibo ang anim na pangunahing hakbang para sa kalikasan na tinukoy sa ika-128 CBCP Plenary Assembly noong Hulyo.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng integral ecology ministries, pagsuporta sa pandaigidigang gawain para sa Season of Creation, pagtalikod sa mga industriya ng pagmimina at iba pang mapaminsalang negosyo, pagpapatupad ng mga wastong polisiya sa donasyon, pagtugon sa plastic pollution, at pagtataguyod ng renewable energy sa pamamagitan ng 10 Million Solar Rooftops Challenge.
Samantala, binabalak naman ng social at advocacy arm ng simbahan na gawin ang susunod na bike caravan sa Visayas Region.
“To those who witnessed our cycling event, the message is simple: we ride for the sake of our environment. May this be the time for us to act decisively to save our common home,” ayon kay Bishop Bagaforo.