6,729 total views
Nagpapasalamat si University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Chaplaincy head, Fr. Marlito Ocon, SJ sa mga blood donor at volunteers na nakibahagi sa isinagawang blood donation drive.
Ito ang Dugong Alay, Dugtong Buhay na inorganisa ng Loyola School of Theology Student Council noong October 8 sa Loyola House of Studies sa Ateneo de Manila University, Quezon City.
Ayon kay Fr. Ocon, ang paglalaan ng oras ng mga blood donor at volunteers ay sumasalamin sa pagpapahalaga sa kanilang mga naibahagi na makatutulong sa charity patients ng UP-PGH.
“Your selflessness has made a significant impact on the lives of those in need. Every drop counts, and your donation is truly appreciated,” pahayag ni Fr. Ocon.
Nasa 75 blood bags ang nakolekta sa blood donation drive, malaking tulong na para sa mga pasyente ng ospital na kapos ang kakayahan para bumili ng dugo.
Tinatayang nasa humigit-kumulang 120 operasyon ang isinasagawa sa PGH kada araw kaya bilang tugon, taun-taon inilulunsad ng institusyon ang blood donation drive upang maibsan ang pasanin at makatulong sa pangangailangan ng charity patients.
Lubos ding nagpapasalamat si Fr. Ocon sa mga nakatuwang sa gawain kabilang ang Loyola School of Theology, Loyola House of Studies, PGH Blood bank, at PGH chapel volunteers.
“Together, we are saving lives and making a difference in the lives of our poor and sick brothers and sisters in PGH,” dagdag ni Fr. Ocon.
Ayon sa mga dalubhasa, ang pagbabahagi ng dugo ay hindi lamang nakatutulong sa kapwa, kundi nagdudulot din ng benepisyo sa sarili tulad ng pagbaba ng posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso tulad ng Cardiovascular disease.