15,118 total views
Nagpahayag ng pakikiramay ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga naiwang pamilya ng Pilipinong binitay sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).
Kaugnay nito, mariing nanawagan ang Komisyon ng Karapatang Pantao na pinangangasiwaan ni CHR Chairperson Richard Paat Palpal-latoc sa pamahalaan na higit pang paigtingin ang pagsusumikap na matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino.
Ayon sa CHR, tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ng kapakanan ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo.
“As the country’s national human rights institution, the CHR reiterates its call for the Philippine government to further strengthen its efforts in ensuring that the rights of Filipino migrant workers are upheld and protected, even when they are outside the territorial jurisdiction of the Philippines.” Bahagi ng pahayag ng CHR.
Kabilang sa panawagan ng komisyon sa pamahalaan ang pagkakaroon ng isang kongkretong legal support system para sa mga OFW gayundin ang pagpapaigting ng diplomatikong pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa kung saan may mga OFW.
Paliwanag ng CHR, mahalaga ang pagkakaroon ng matatag na diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa upang matiyak ang pagbibigay halaga sa dignidad at karapatan ng mga OFW kabilang na ang patas na pag-iral ng batas at ang pagkakaroon ng legal representation ng mga OFW na maaring maharap sa iba’t ibang kaso o sitwasyon.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbitay sa isang Pilipinong may kasong murder sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) noong ika-8 ng Oktubre, 2024.
Sa pinakahuling datos ng DFA noong Marso ng nakalipas na taong 2023, hindi bababa sa 80-Pilipino ang nasa death row sa iba’t ibang bansa na pinangangambahan mabitay dahil sa ibat-ibang kasong kinasasangkutan.
Una na ring nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa naiwang pamilya ng Pilipinong binitay sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) kasabay ng pananalangin para sa ikapapayapa ng kanyang kaluluwa.