13,993 total views
Pangunahing paksa ng ika-walong pagdinig ng Quad Committee ng Kamara ang isyu ng extra judicial killings (EJK), na iniuugnay sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago ang pagdinig, isang misa ang idinaos sa House of Representatives People’s Center na pinangunahan nina Fr. Joel Saballa-ng Caritas Novaliches, Fr. Noel Gatchalian-Special adviser of relatives of EJK victims, at Vincentian priests Fr. Joselito Sarabia at Christian Sambajon.
Sa homiliya ni Fr. Gatchalian, panawagan nito ang katarungan sa mga nasawing biktima, at kaparusahan sa lahat ng may kinalaman sa pekeng drug war ng nakaraang administrasyon.
Ayon sa pari, dapat ay patawan ng mabigat na parusa ang mga nasa likod ng EJK upang hindi na maulit pa ang ganitong uri ng karahasan,.
Gayunman, nanindigan si Fr. Gatchalian na hindi ‘death penalty’ ang naayon na parusa laban sa mga mapapatunayang nagkasala.
“Ngunit hindi po natin ipaparatang ang pagpatay, sapagkat bilang mga Kristiyano, hindi natin mahahatulan-hindi natin maaring suklian ang pagpatay para patayin ang may sala. Hindi po maka-kristiyano ‘yan. Mabigat sana ang kaparusahan ngunit hindi pagpatay.,” bahagi ng homiliya ni Fr. Gatchalian.
“Kung ito ay napatunayan na state sponsored ay dapat magkaroon tayo ng batas na bigyan sila ng pagkakataon ang mga nanay ng mga biktima na siya ay magkaroon ng kabuhayan. Nawalan na sila ng bread winner, kinakailangan naman na bigyan sila ng kabuhayan o scholarship ang kanilang mga anak.”
Dagdag pa ng pari,”’Walang makakapantay na pagbayaran ang pagpatay ng buhay ng ating minamahal. Kaya mabigyan man lamang natin sila ng ating pagmamahal pamamagitan ng concrete gesture, tulad ng scholarship ng kanilang mga anak.”
“Ang ating reconciliation… ang restorative justice ay bigyan ng pagkakataon na pagsisihan at pagbayaran nila ang mga pumaslang sa mga biktima at bigyan ng katarungan at pagmamahal ang ating mga nanay na naging biktima ng EJK,” ayon pa sa homiliya ni Fr. Gatchalian.
Sa nakalipas na pagdinig, una ng imunungkahi ni Fr. Gatchalian sa QuadComm ang pagbabayad ng danyos ang pamahalaan sa mga pamilyang naulila dulot ng kampanya kontra ilegal na droga ni dating Pangulong Duterte.
Kabilang din sa dumalo sa misa ang mga naulilang pamilya ng mga napaslang ng giyera kontra droga, ang Rise Up for Life and for Rights at mga mambabatas mula sa Makabayan bloc.
Ang QuadComm ay binubuo ng mga komite ng Dangerous Drugs, Public Accounts, Public Order and Safety, at Human Rights -ang joint panel ay pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Una na ring inimbitahan ng pinagsamang mga komite sina dating Pangulong Duterte at Sen. Ronald Dela Rosa-ang noo’y pinuno ng Philippine National Police sa kasagsagan ng implementasyon ng war on drugs nak ilala rin bialng ‘tokhang’, bagama’t tumangging dumalo sa pagdinig.
Sa ulat ng mga human rights group, hindi bababa sa 20-libo ang bilang ng mga nasawi sa madugong drug war ng nakalipas na administrasyon, na ayon naman sa PNP ay nasa anim na libo ang napaslang sa drug operations ng pulisya.