10,606 total views
Dalawang panukalang batas na bunga ng isinagawang pagdinig ng Quad Committee ang isinumite sa Mababang Kapulungan, ang tuluyang pagbabawal sa POGO at pagkilala sa extra judicial killing (EJK) bilang isang karumal-dumal na krimen.
Anti-Offshore Gaming Operations Act
Ang Anti-Offshore Gaming Operations Act ay naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng offshore gaming sa bansa at magpatupad ng mga parusa para sa sinumang lalabag na inihain bago ang muling pagsasagawa ng imbestigasyon ng House Quad Committee ukol sa mga koneksyon ng mga POGOs, ilegal na kalakalan ng droga, pang-aagaw ng lupa ng ilang Chinese, at mga extrajudicial killings na nauugnay sa giyera kontra droga ng dating administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinunto ng mga mambabatas ang mga mapanganib na aktibidad na may kaugnayan sa mga POGO hub, na patuloy na nangyayari sa loob ng lugar kung saan itinatago ang mga karumal-dumal na krimen.
“Several raids conducted by law enforcement agencies on illegal POGO hubs reveal cases of kidnapping, illegal detention, human trafficking, prostitution, and tortures,” ayon pa sa mga may-akda ng panukala.
“Further, the authorities suspect that illegal POGOs are likewise involved in cybercrime, investment scam, money laundering, tax evasion and other fraudulent practices,” ayon pa sa panukala.
Sa ilalim ng panukalang Anti-Offshore Gaming Operations Act, mahigpit ang mga parusa para sa mga lalabag. Ang mga nagkasala ay maaaring makulong mula apat hanggang sampung taon at pagmumultahin ng hanggang P10 milyon para sa mga paulit-ulit na paglabag.
Anti-Extrajudicial Killing Act
Isinumite rin ng mga mambabatas noong Biyernes, ang House Bill (HB) Blg. 10986 o ang Anti-Extrajudicial Killing Act na batay sa mga natuklasan at rekomendasyon ng Quad Committee na ang layunin ay magtakda ng mahigpit na pamantayan sa batas upang tugunan ang mga krimeng ito at tiyakin ang pananagutan ng mga mapapatunayang nagkasala.
Isinulong ngayon ng mambabatas ang panukalang batas na naglalayong ituring ang extrajudicial killings (EJKs) bilang karumal-dumal na krimen at magpataw ng mabibigat na parusa.
“Extrajudicial killing or the killing of individuals without judicial proceedings or legal authority, poses a grave threat to the rule of law, democracy and the protection of human rights. These acts bypass established judicial procedures, undermining public trust in the justice system and violating the basic rights to life and due process guaranteed by the Constitution,” ayon pa sa panukala.
“The lack of accountability for such crimes contributes to a culture of impunity, where perpetrators believe they can act without fear of legal consequences. This bill seeks to explicitly criminalize EJK, ensuring that any individual, regardless of rank or position, who is found guilty of participating in, authorizing, or condoning such acts will face appropriate criminal penalties,” dagdag pa dito.
Itinatakda ng batas na ang EJKs ay tumutukoy sa mga pagpatay na isinagawa ng mga opisyal ng pamahalaan o ng mga kumikilos na may pahintulot o pagtanggap ng mga kautusan mula sa estado.
“By defining EJK as a specific crime, this bill aims to strengthen the legal framework for investigating, prosecuting, and punishing those responsible for these heinous acts,” saad pa ng panukala.
Kabilang sa mga pangunahing nilalaman ng panukalang batas ang probisyon para sa mga reparations para sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killing (EJK).
Itinatakda rin ng iminungkahing batas na ang gobyerno ay magbibigay ng kompensasyon sa mga pamilya ng mga biktima bilang pagkilala sa mga hindi makatarungang pagdurusa na kanilang dinanas sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang Extrajudicial Killing Claims Board.
Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng dalawang panukalang batas sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker David Suarez, at ang mga pinuno ng Quad Committee na sina Representatives Robert Ace Barbers, Dan Fernandez, Bienvenido Abante Jr., at Joseph Stephen Paduano.
Kasama rin bilang mga may akda sina Representatives Romeo Acop, Johnny Pimentel, Gerville Luistro, Rodge Gutierrez, Paolo Ortega V, Jay Khonghun, at Jonathan Keith Flores.