3,150 total views
Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas
Efeso 2, 19-22
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Lucas 6, 12-19
Feast of Sts. Simon and Jude, Apostles (Red)
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 19-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga araw na iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.
Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Oktubre 28
San Simon at San Judas Tadeo
Bilang mga bahagi ng isang gusali na ang pundasyon ay ang mga Apostol at mga propeta, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama ng habag.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain mo kami na hinubog mo sa pananampalataya ng mga apostol.
Ang Simbahang Katoliko nawa’y magpatuloy sa paglago sa pamamagitan ng pangangaral at mga halimbawa ng aming mga pinuno sa pananampalataya at mga misyonero, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng sigla at sigasig ni San Simon, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tularan ang pagmamalasakit at kababang-loob ni San Judas Tadeo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y pagkalooban ng Panginoon ng kagalingan at bigyang lakas ang mga nawawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y walang hanggang magtamasa ng kaganapan ng mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na matagal nilang pinanabikan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming maawain, sa aming pananalangin para sa iba, nawa ay makabahagi kami sa apostolikong paglilingkod ng mga tinawag at pinili. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.