3,173 total views
Huwebes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 6, 10-20
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Lucas 13, 31-35
Thursday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Efeso 6, 10-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya. Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo. Sapagkat ang kalaban nati’y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito – ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya’t isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayun, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo.
Kaya’t maging handa kayo: gawin ninyong bigkis ang katotohanan, itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid, at isuot ang panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. Taglayin ninyong lagi ang kalasag ng pananalig kay Kristo, bilang panangga’t pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng Masama. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at kunin ninyo ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatwid, ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng ito’y gawin ninyo sa pamamagitan ng mga panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya’t lagi kayong maging handa, at patuloy na manalangin para sa lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako’y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Mabuting Balita. Dahil sa Mabuting Balitang ito, ako’y sinugo, at ngayo’y natatanikalaan. Kaya’t ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang, gaya ng nararapat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
nilulupig niya ang sakop kong bayan.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa’y tutugtugin at aawit ako.
Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
Lucas 19, 38; 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Hari natin
na ngayon ay dumarating;
kapayapaan ay kamtin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang Pariseo. Sinabi nila kay Hesus, “Umalis ka rito, sapagkat ibig kang ipapatay ni Herodes.” At sumagot siya, “Sabihin ninyo sa alamid na iyon na nagpapalayas ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling, bukas ay gayun din; sa ikatlong araw, tatapusin ko ang aking gawain. Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas at sa makalawa; sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta!
“Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo ko sa iyo! Makailan kong sinikap na kupkupin ang iyong mga mamamayan, gaya ng paglukob ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. Kaya’t lubos kang pababayaan. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pagpalain nawa ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Mulat sa ating misyon na magin propeta ng mahabaging pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Ama na gawin tayong tapat at matapang sa pagsasagawa ng ating mga tungkulin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Ama, palakasin mo kami
sa kapangyarihan ng iyong pangalan.
Ang Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga pinuno nawa’y maging tapat sa kanyang pagiging propeta na ituro sa mga tao sa ating panahon ang mga tamang bagay na pinahalagahan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahangad at nagpapagal para sa isang magandang bukas nawa’y hindi panghinaan ng loob o maghinanakit dahil sa mga pagtuligsa at paglaban sa kanila, bagkus, palakasin sila ng pag-ibig para patuloy na sumulong, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tanggapin nang bukas sa loob ang Salita ng Diyos gaano man ito kahirap o magbibigay lamang ng agam-agam para sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y hindi mapagod sa kanilang pagbibigay kalinga na mayroong personal na atensyon at paggalang, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga yumao nawa’y gawing malinis ng mapagpagaling na biyaya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nabuhay si Jesus tulad ng kanyang ipinangaral. Ibigay mo sa amin ang Banal na Espiritu upang makasunod kami sa kanya nang walang pag-aatubili patungo sa kanyang Kaharian kung saan siya ay Panginoon magpakailanman. Amen.