6,234 total views
Tiniyak ng Caritas Manila na hindi doleout nakatuon ang mga programa ng Social Arm ng Archdiocese of Manila kundi sa tuluyang pag-ahon ng mga mahihirap sa kinalugmukang sitwasyon.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual – Caritas Manila Executive Director sa pagdiriwang ng ika-71 taon anibersaryo ng Social Arm ng Archdiocese of Manila.
Ayon sa Pari, higit pang papatibayin ng Caritas Manila ang mga programang nakatuon sa pagpapabuti sa kalagayan higit na ng mga pinakanangangailangan hindi lamang sa Metro Manila maging sa alinmang bahagi ng bansa.
“Isang karangalan na makapaglingkod sa Diyos at sa mga dukha at siyempre, hindi natin niroromanticize ang kahirapan, ito ay dapat natin alisin at paglabanan sapagkat ang kahirapan ay hindi kaloob ng Panginoon, siya ay nagpunta upang bigyan tayo ng buhay na ganap at kasaya-saya kaya ang Caritas Manila we help the poor help themselves napakahalaga po niyan, tinutulungan natin ang mga mahihirap na matulungan ang kanilang sarili upang sila’y umulad, espritwal at materyal at ang potensyal na plano ng Diyos sa buhay nila ay magkaroon ng kaganapan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Ikinalulungkot ni Fr.Pascual ang pag-aaral ng Social Weather Station (SWS) na umabot sa 59% ng mga Pilipino ang nagsasabing sila ay kabilang sa mahirap na sektor ng lipunan.
“Nakakalungkot sa Pilipinas dumami nanaman ang nagsasabing mahirap sila, more than 59% kaya sa mahihirap wag kayong mawawalan ng pagasa, nariyan ang simbahan, katulong natin at nariyan ang Panginoon na siyang sasaklolo sa atin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Ilan sa mga programa ng Caritas Manila ang Caritas Damayan na tumutugon sa disasters at humanitarian aid response at pagpapakain sa mga nagugutom na Ina at sa mga batang biktima ng malnutrisyon sa pamamagitan ng Una Yakap at Munti Pagasa Project.
Kabilang din ang Youth Servant Leadership and Education Program, Caritas Manila Segunda Mana Program, Restorative Justice Programs at iba pang programa na nakatuon sa pagtulong sa mga mahihirap, kapos-palad na estudyante at persons deprived of liberty.