7,329 total views
Dismayado si CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa kasalukuyang kalagayan ng mga katutubo sa bansa na patuloy nakararanas ng karahasan.
Sa paggunita ng Indigenous Peoples’ Sunday nitong October 13 sinabi ng obispo na sa kabila ng kahirapang dinaranas ng mga katutubo sa bansa ay patuloy itong pinahihirapan ng mga makapangyarihan sa lipunan.
“Marami sa mga katutubo natin ay mahihirap at pinapahirapan pa. Kinukuha ang mga lupaing ninuno nila. Ang mga lupain nila ang minimina at sila ay nalilinlang kasi hindi sila gaano nakapag-aral,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ikinalungkot ni Bishop Pabillo na sa halip arugain ang mga katutubo dahil sa kawalang kakayahan sa mga kabundukan ay palagi naman itong itinuturing na mga rebelde at kalaban ng pamahalaan.
“Ang malungkot pa, ang mga paaralan nila ay sinisira ng military kasi pinagbibintangan silang komunista at rebelde. Pinapanatili silang mangmang upang madaling matakot at madaling malinlang,” giit ni Bishop Pabillo.
Batay sa pag-aaral ng European Union-funded Governance in Justice Programme humigit kumulang sa 17-milyon ang mga katutubo sa Pilipinas mula sa 110 ethnolinguistic groups na kasalukuyang nahaharap sa diskriminasyon, kawalang access sa social services ng lipunan, gayundin ang kawalang oportunidad sa usaping pampulitika at pang ekonomiya.
Bukod pa rito ang mataas na bilang ng walang hanapbuhay sa mga katutubo, walang birth certificate at higit sa lahat ang mataas na bilang ng illiteracy.
Dahil dito apela ni Bishop Pabillo sa mamamayand lalo na ang mga lider ng pamahalaan na bigyang pansin ang mga katutubo dahil ito ang katuwang sa pangangalaga ng kalikasan at nagtataguyod sa mga likas na yamang kaloob ng Diyos sa sanlibutan.
“Pahalagahan natin ang mga katutubo, sila ang may malalim na kaugnayan sa kagubatan at kalikasan…sila ang makatutulong sa atin paano pangalagaan ang lupa at karagatan,” giit ni Bishop Pabillo.
Nagsagawa naman ng second collection ang simbahang katolika sa Pilipinas para pondohan ang mga programang nakalaan sa mga katutubo sa pangunguna ng CBCP Episcopal Commission on Indigenous Peoples na kasalukuyang pinamumunuan ni Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc.