8,219 total views
Pinaalalahanan ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang mga kabataan na ang pagiging alagad ng batas ay hindi lamang isang uri ng trabaho kundi isang bokasyon.
Ito ang mensahe ng Obispo sa pagkakasangkot ng ilang mga uniformed personnel, lalo na ang mga opisyal ng Philippine National Police sa isyu ng extrajudicial killings na iniuugnay sa drug war campaign ng nakalipas na administrasyong Duterte.
“To those who are aspiring for the police force, be sure to have that conviction that you are ready to serve the country, serve God, serve our people, our community, and also to the best of your values, because in the end, ito ang magpapabago ng mukha, ng anyo ng ating society. Because you are there the enforcer, the law enforcer,” ayon kay Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, nararapat taglay ng mga aspiring law enforcer ang bokasyon na ipatupad ang kabutihin hindi ang kasamaan. “Anong ibig sabihin, you have to have that force-hindi evil force but the good force that’s in you, the good intention, the good values that you have embraced.”
Ilang mga matataas na opisyal ng pulisya na isinasangkot sa EJK si retired Police Colonel Royina Garma, dating CIDG-11 head at NAPOLCOM commissioner Edilberto Leonardo, gayundin si dating PNP Chief at ngayo’y senador na si Ronald Dela Rosa.
Umaasa din ang obispo na ang isinasagawang pagdinig ng Quad Comm ng Mababang Kapulungan ay magbibigay ng liwanag sa mga usapin, at hindi para lamang para sa interes ng iilan.
Ayon pa sa obispo, “I believe ito yung makakatulong not only in aid of legislation, but also for the police ranks. Ito ay, para sa akin ay malaking tulong ito, parang a wake-up call for them. Na ito ang, ano ng taong bayan, na dapat ang kapakanan ng taong bayan, hindi lang doon sa personal or vested interest ng sinuman.”
Ang Military Ordinariate of the Philippines ay isang personal na ordinaryatong katoliko na itinatag upang magsilbi sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ito ay may espesyal na tungkulin na maglaan ng espirituwal na pangangailangan at pastoral na pag-aaruga para sa mga miyembro ng militar, kanilang mga pamilya, at iba pang mga taong nagtatrabaho sa mga nabanggit na ahensya.