13,416 total views
Isinagawa ng Diocese of Tagbilaran ang Day of Prayer para gunitain ang mga biktima ng magnitude 7.2 na lindol 11-taon ang nakalilipas.
Ayon kay Bishop Alberto Uy, bagamat mahigit isang dekada na ang nakalipas sa mapaminsalang lindol ay patuloy pa rin ang pagbangon ng mga Boholano sa tulong at gabay ng Panginoon. “Let us remember that through the darkest of times, the light of hope and solidarity shines ever brighter. The strength and unity of our community have shown the world the unwavering spirit of Boholanos,” mensahe ni Bishop Uy.
Kaugnay nito pinatunog ng mga simbahan sa Bohol ang kampana kaninang alas 8:12 ng umaga upang alalahanin at ipagdasal ang mga biktima ng trahedya lalo na ang mga nasawi. Hiling ng obispo sa mamamayan ang patuloy na panalangin para sa katatagan, kalakasan gayundin ang paghilom mula sa karanasan ng malakas na lindol.
“Let us pause and reflect on the journey we have traveled since that fateful day. Let us also reflect on the grace of God, which has guided us through these years of rebuilding and healing,” ani Bishop Uy.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council tinatayang nasa dalawang bilyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala sa imprastruktura, gusali at mga ari-arian sa lalawigan. Sa kasalukuyan isang simbahan nalang ang patuloy na isinasaayos mula sa 25 simbahang lubhang napinsala sa lindol ang Holy Rosary Parish sa bayan ng Antequera.