13,440 total views
Ikinagalak ni Cebu Archbishop Jose Palma ang pagiging host archdiocese ng ikalimang Asian Apostolic Congress on Mercy (AACOM).
Ayon sa arsobispo magandang pagkakataon ang pagtitipon na isang paraan upang muling paigtingin ang pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang habag at awa.
“We feel privilege once more to host the AACOM and such beautiful sharing and the love and mercy of God and the call to renewal,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Sa misang pinangunahan ng arsobispo sa ikalawang araw ng AACOM binigyang diin nito sa kanyang pagninilay ang kahalagahan ng bukas na puso upang maramdaman ang pag-ibig ng Diyos lalo na ang kanyang habag at awa.
Batid ni Archbishop Palma sa taimtim na pananalangin at pagdulog ng tao sa Diyos ay ipinamamalas ang walang hanggang awa sa kabila ng mga kahinaan at kasalanan ng tao.
Apela ni Archbishop Palma sa mamamayan na ipanalangin ang ikatatagumpay ng AACOM na magtatapos sa October 19.
“Please continue praying for the intention of AACOM there are many more experienced inspired sharers who would invite all of us to open our hearts to the love and mercy of God,” giit ni Archbishop Palma.
Batay sa datos ng Divine Mercy Ministry ng arkidosesis nasa 3, 130 ang mga delegado sa AACOM kabilang na ang 174 international delegates mula sa mga bansang Canada, Guam sa Amerika, India, Lithuania, Malaysia, Papua New Guinea, Indonesia, Thailand, at Singapore.
Kabilang sa mga nagbahagi ng panayam sa ikalawang araw ng pagtitipon sina Malolos Bishop Dennis Villarojo, Fr. Joel Delos Reyes, mga patotoo nina Peter Chang at Sr. M. Teresa de la Fuente, ISMM ng Congregation of the Sisters of the Our Lady of Mercy mula Florida, USA.