13,580 total views
“Malipayon kong modawat sa maong assignment.”
Ito ang mensahe ni Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo makaraang italaga ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang kauna-unahang obispo ng Diocese of Prosperidad sa Agusan del Sur.
Sinabi ng obispo na higit nitong isasabuhay ang kanyang episcopal motto na ‘Humiliter Ambulare Coram Deo’ o ‘To walk humbly before the Lord’ dahil batid nitong kaakibat ng kanyang pagkatalaga ang hamong simulan ang bagong komunidad ng diyosesis.
“Whatever God wants me to do, I will do it, willingly and lovingly. Whatever is God’s will for me, wherever He wills me to go, I will go,” bahagi ng mensahe ni Bishop Labajo.
Ibinahagi ni Bishop Labajo nang tanggapin ang pagiging obispo noong June 2022 ay lubos nitong ipinagkatiwala sa Panginoon ang kanyang bokasyong maglingkod sa kawan na ipagkakatiwala sa kanyang pangangalaga.
Aniya ipinabatid ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang desisyon ng santo papa na pamunuan ang itinatag na ika – 87 diyosesis sa bansa noong October 7 kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo kaya’t tulad ng Mahal na Ina ay buong kababaang loob na tinanggap ni Bishop Labajo ang misyon.
“I would like to consider this as God’s will for me and I continue my journey walking humbly before God, entrusting my life to the care of the Blessed Mother, relying on the grace of God,” saad ni Bishop Labajo.
Pinasalamatan ng obispo ang paggabay ni Cebu Archbishop Jose Palma na bagamat dalawang taon pa lamang itong obispo ay unti unting nahahasa ang kanyang kakayahan sa mga gawaing pagpapastol.
2023 nang muling isulong ni Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla ang paghahati ng diyosesis at itatag ang Diocese of Prosperidad upang higit mapaglingkuran ang pangangailangang pastoral at espiritwal sa halos kalahating milyong katoliko ng Agusan del Sur na 1/3 ng populasyon ay mga katutubo kaya’t itinuturing itong mission frontier na lugar.
Batay sa datos ng Catholic Hierarchy sa mahigit 700, 000 populasyon ng lalawigan halos 66 na porsyento rito ay mga katoliko sa 26 na mga parokya.
Humiling ng panalangin si Bishop Labajo sa kanyang tungkuling pangalagaan at palaguin ang kristiyanong pamayanan sa bagong tatag na diyosesis.