3,760 total views
Umaasa ang pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN) na sa pamamagitan ng pagbubuklod sa pananalangin ay makamit ang inaasam na kapayapaan at pagkakaisa sa buong daigdig.
Ito ang mensahe ni ACN Philippines national director Max Ventura kaugnay sa matagumpay na One Million Children Praying the Rosary for Unity and Peace na ginanap sa Minor Basilica and Parish Cathedral of the Immaculate Conception o Malolos Cathedral ng Diyosesis ng Malolos noong October 18, 2024.
Ayon kay Ventura, patuloy na itataguyod ng institusyon ang tatlong haligi nito na panalangin, impormasyon, at aksyon, na nagsisilbing gabay upang higit na magampanan ang misyong ipagtanggol at tulungan ang mga Kristiyano sa buong mundo.
“Nanghihikayat kami sa mga nananampalataya na magkaisa sa ilalim ng prayer, information, and action. Ang One Million Children Praying the Rosary ay isang pamamaraan ng pagkakaisa sa ilalim ng panalangin, lalo na sa ating mahal na Rosaryo, bilang paghingi ng indulgence at intercession ng ating Holy Mother for peace and unity, not just in our country but worldwide,” pahayag ni Ventura sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa huling tala ng ACN Philippines, nasa humigit-kumulang 200,000 kabataan sa buong bansa ang nakiisa sa sabayang pananalangin ng Santo Rosaryo, habang tinatayang nasa humigit-kumulang isang milyon naman ang kabuuang bilang ng mga nakilahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Patuloy na hinihikayat ni Ventura ang lahat na ipagpatuloy ang pananalangin, lalo na para sa mga kapwa-Katoliko na hindi malayang naipahahayag ang pananampalataya.
“Ang pagdarasal po ng Rosaryo ay isang pamamaraan ng ating pakikiisa sa kanila. Sana tayo’y patuloy na magdasal ng mahal na Rosaryo upang maipahatid natin ang ating pakikiisa sa kanila, at nawa’y magbunga ito ng kapayapaan at pagkakaisa sa ating lahat,” saad ni Ventura.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang One Million Children Praying the Rosary sa harapan ng canonically crowned image na Virgen Inmaculada Concepcion de Malolos.
Napapanahon ang gawain sapagkat ipinagdiriwang din ang ika-25 anibersaryo ng pagkakaloob sa Malolos Cathedral bilang minor basilica.
Tema naman ng worldwide prayer event ngayong taon ang “Tinig ng Pag-asa ng mga Munting Alagad”.
Unang inilunsad ang inisyatibo noong 2005 sa Caracas, Venezuela, at ipinalaganap ng ACN sa buong mundo noong 2008 kung saan umabot na sa mahigit 80-bansa ang nakikibahagi sa malawakang pananalangin.