1,458 total views
Bicol region, sinalanta ng bagyong Kristine
Nararanasan ngayon sa buong Bicol Region ang malakas na pag-uulang nagdulot na ng pagbaha dahil sa epekto ng Tropical Storm Kristine.
Sa bahagi ng Camarines Sur, iniulat ni Caritas Caceres executive director, Fr. Marc Real na bagamat hindi malakas ang hangin, walang tigil ang malakas na ulan simula pa noong Lunes kaya’t marami na ring mga lugar ang nakakaranas ng pagbaha.
Ayon naman kay Caritas Libmanan executive director, Fr. Romulo Castaneda may naitala na ring pagbaha sa spillway at pagkawala ng kuryente sa ilang parokyang saklaw ng diyosesis.
“Okay lang sana ang hangin, pero grabe ang ulan. Hindi ito tumitigil simula pa kahapon. Marami na ang binabaha,” ayon kay Fr. Real sa panayam ng Radio Veritas.
Sa ulat naman ni Legazpi social action director, Fr. Eric Martillano, nagsagawa na ng mandatory evacuation ang ilang bayan sa Albay dahil sa epekto ng baha.
Bukod dito, may higit 400 pasahero ang stranded sa Tabaco Sea Port, at higit 600 naman sa Pioduran Sea Port.
Inilunsad naman ng Diyosesis ng Legazpi ang Parish Disaster Response Parish Disaster Response (PaDRe) Team upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga higit na apektado ng bagyo.
“Parish Disaster Response Teams were activated…to assist those in need – whether through providing space in the Parishes for the evacuees, food, or other resources,” ayon kay Fr. Martillano.
Samantala, tiniyak naman ni Daet SAC director, Fr. Jojo Caymo ang aktibong pagbabantay sa kalagayan sa mga bayan ng Camarines Norte, sa tulong ng Parish Social Action Ministries (PSAM).
Dalangin ni Fr. Caymo na ang lahat ay patnubayan ng Diyos, at iligtas sa anumang kapahamakang dala ng Bagyong Kristine. “We hope and pray for a better situation soon and less casualties with God’s unfailing protection. We will respond as the need arises,” ayon kay Fr. Caymo.
Sa huling ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Catanduanes, at mga silangang bahagi ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Una nang umapela ang Diyosesis ng Virac, Catanduanes ng pananalangin ng Oratio Imperata upang hilingin ang kaligtasan ng lahat mula sa epekto ng Bagyong Kristine.(michael)