11,441 total views
Humiling ng panalangin ang Diocese of Legazpi para sa katatagan ng mamamayang labis naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Bishop Joel Baylon ito ang pinakamalubhang pagbaha na naranasan sa lalawigan ng Albay sa loob ng tatlong dekada.
“In the last 30 years this is the worst flooding that we have experienced here in Albay kaya’t ang aking panawagan sa ngalan ng aking mga kababayan, the faithful ng Diocese of Legazpi ang hingi lang po namin panalangin at tulong para sa mga nasalanta ng baha lalo na ang nasa evacuation centers,” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Baylon na na maraming mga pangunahing lansangan sa lalawigan ang binaha at natabunan ng mga gumuhing lupa dahil sa nagpapatuloy na road widening sa lugar.
Dismayado ang obispo sa mga hindi makatarungang gawain tulad ng pagsira ng kalikasan na isa sa tinitingnang pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha sa Albay.
“Hindi rin maiwasang maipagkaila na ito ay bahagi na rin ng walang pakundangang pagsira ng kapaligiran ng bundok dito, ng quarrying at pagbubukas ng mga kalsada na hindi responsable yung pagbubungkal ng lupa kaya ito tuloy wala nang kahoy na magpapalalim ng ugat na makakapita at mananatiling matatag ang lupa kahit malakas ang ulan,” ani Bishop Baylon.
Sa mga nais magpaabot ng tulong sa maaring makipag-ugnayan sa official facebook page ng Diocese of Legazpi gayundin sa kanilang social action center o para sa cash deposit sa BPI Social Action Center SPM 0851 0076 36, sa Gcash 09957496571 o makipag-ugnayan kay SAC Director Fr. Eric Martillano.
Ang Bagyong Kristine ay ang ika – 11 bagyo na pumasok sa Pilipinas taglay ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro kada oras at pagbugsong aabot naman sa 105 kilometro kada oras.
Bukod sa Albay apektado rin ng malawakang pagbaha ang Naga City at mga lugar sa Camarines Sur gayundin ang Catanduanes Island.