13,733 total views
Nagbukas ang mga establisyemento, paaralan, unibersidad at Simbahan sa Diyosesis ng Legazpi sa Albay upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga nagsilikas na pamilya na apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa inisyal na tala ng The Bicol Universitarian na official student publication ng Bicol University ay aabot sa mahigit 20 mga establisyemento, paaralan, unibersidad at Simbahan ang nagbukas ng kanilang mga pasilidad upang magsilbing pansamantalang kanlungan ng mga apektado ng bagyo sa lugar.
Kabilang sa mga paaralang binuksan para sa mga apektado ng Bagyong Kristine ang Bicol University Campuses na matatagpuan sa Legazpi City at Daraga, Albay; Albay Central School sa Old Albay District Legazpi City; Bicol College Gymnasium sa Daraga, Albay; Cabangan Highschool and Elementary School sa Barangay Cabangan, Legazpi City, Albay; at Buraguis Elementary School sa Buraguis, Legazpi City.
Maari ding magtungo ang mga residente apektado ng Bagyong Kristine sa mga parokya sa diyosesis kabilang na sa St. Gregory the Great Cathedral na matatagpuan sa Old Albay District, Legazpi City, Albay; Daraga Church sa Santa Maria Hill, Daraga, Albay; Redemptorist Church sa Gogon, Legazpi City; Our Lady of Fatima Parish sa Legazpi City; Cotmon Parish sa Cotmon, Camalig, Albay at sa iba pang mga Simbahan na matatagpuan sa Diyosesis ng Legazpi sa Albay.
Kaugnay nito, una ng humiling ng panalangin si Legazpi Bishop Joel Baylon para sa katatagan ng mamamayang labis naapektuhan ng Bagyong Kristine sa Bicol region kung saan ibinahagi ng Obispo na ito ang pinakamalubhang pagbaha na naranasan sa lalawigan ng Albay sa loob ng nakalipas na tatlong dekada.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Diocese of Cabanatuan Social Action Center ang mamamayan na maging mapagmatyag sa lagay ng panahon upang maging ligtas sa anumang sakuna.
Ito ang panawagan ni Cabanatuan Social Action Director Fr. Aldrin Domingo sa mga mamamayan upang manatiling ligtas at handa sa anumang sitwasyon na maaring idulot ng bagyong Kristine.
Hinimok din ng Pari ang mamamayan na tulungan ang kapwa na apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine.
“Sa ganitong pagkakataon ang pinakamahalaga ay ang pagtutulungan at kung mayroong pagkakataong makatulong sana i-grab natin ito at kung tayo ay nasa mas mabutiong kalagayan ang ibig sabihin lamang po noon ay mas may kakayahan tayong tumulong yun po yung paanyaya natin na maging mapagmatyag tayo at maghintay ng mga balita-balita upang pag may pagkakataon tayong tumulong ay mabilis tayong makatulong, siguro yun laman po ang munting mensahe,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Domingo.
Sa bahagi ng Diocese of Antipolo, inihayag ni Ms.Mona Valencia ng Antipolo Social Action Center na naka-monitor ang kanilang tanggapan sa bagyo at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa lahat ng social service coordinators ng simbahan at local na pamahalaan para sa mabilis na pagtulong sa mga apektado ng bagyo.
“Sa ngayon po ay wala pang ibinabatong report ang mga social service coordinators namin,Naka monitor din po sila sa kani kanilang area,” ayon naman sa mensaheng ipinadala ni Valencia sa Radio Veritas.
Author:
Jerry Maya Figarola
Reyn Letran – Ibañez