3,881 total views
Naglabas ng P1.2 milyong piso ang social arm ng Archdiocese of Manila na paunang tulong para sa Bicol dioceses na lubhang nasalanta ng Bagyong Kristine.
Makakatanggap ng tig-P200,000 mula sa Caritas Manila ang anim na diyosesis sa Bicol Region kabilang ang Archdiocese of Caceres at Diocese of Libmanan sa Camarines Sur; Diocese of Virac, Catanduanes; Diocese of Daet, Camarines Norte; Diocese of Legazpi, Albay; at Diocese of Sorsogon.
Ayon kay Caritas Manila executive director, Fr. Anton CT. Pascual, nakatuon ang institusyon sa relief at rehabilitation upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo tulad ng pagkain, tubig, at hygiene kits.
“Sa ngalan po ng Caritas Manila, tayo po ay tutulong muli sa mga nasalanta ng bagyong ito, lalung-lalo na sa Bicol Region… Ang ating pagsuporta, alam po naman natin ay relief at rehabilitation, ipagdasal natin na walang mamamatay at huwag matindi ang pinsala sa mga kababayan nating Bicolano,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam sa programang Kalakbay ng Pamilya.
Panawagan ni Fr. Pascual ang patuloy na pagtutulungan ng bawat isa upang magsilbing tanglaw ng pag-asa ng mga biktima ng sakuna.
Ipinapanalangin din ni Fr. Pascual ang kaligtasan ng lahat at ang katatagan ng mga biktima ng sakuna upang muling makabangon mula sa pinagdaraanang pagsubok.
“Kaya’t mahalaga na magdasal po tayo na huwag maging mapinsala ang mga bagyo lalo na ang epekto ng La Niña Phenomenon at malampasan natin nang ligtas. Gayunpaman, kapag may mga biktima naroon ang simbahan na unang nagdarasal at sumusuporta sa pamamagitan ng relief and rehabilitation,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa mga nais magbahagi ng in-cash donations, maaaring bisitahin ang facebook page ng Caritas Manila para sa kumpletong detalye ng bank account, at para naman sa in-kind donations, maaari itong dalhin sa Caritas Manila compound sa 2002 Jesus St. Pandacan, Manila o sa tanggapan ng Radio Veritas sa 162 West Ave. corner EDSA, Quezon City.