82,054 total views
Mga Kapanalig, sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, binigyan ni Pope Francis ng positibong mukha ang pulitika.
Aniya, “[p]olitics… must make room for a tender love of others.” Ang pulitika ay dapat magbigay ng puwang para sa magiliw na pag-ibig sa iba. Ang ganitong uri ng pag-ibig, dagdag ng Santo Papa, ay ang daang tinatahak sana (o dapat) ng mga malalakas at matatapang—o sabihin na nating may kapangyarihan. Ang pinakamaliit, pinakamahina, at pinakamahirap sa ating lipunan ang dapat humipo sa puso ng mga nasa larangan ng pulitika. Ang mga kapatid nating ito ang dapat na nag-uudyok sa mga nais maging lingkod-bayan.
Maraming pumupuna sa ilang naghain ng kanilang certificates of candidacy (o COC) para tumakbo sa halalan sa 2025. May mga artista, negosyante, at social media influencers. May mga magkakamag-anak ding sabay-sabay na papasok sa pulitika. (Pati nga mga taong may kinakaharap na kaso, wanted sa ibang bansa, o pinaghihinalaang espiya ng ibang bansa ay gusto ring umupo sa puwesto.)
Ang mga naghain mismo sa COMELEC ng kanilang COC ay nabigyan ng pagkakataong humarap sa media at ipakilala ang kanilang sarili—kahit pa kilala na sila ng mga tao. Sa mga tanong kung bakit tatakbo sila, marami ang nagsabing nais nilang tumulong sa ating mga kababayan. Mahirap kuwestiyunin ang kadalisayan ng kanilang hangaring sumabak sa pulitika. Sana nga, katulad ng sinabi ni Pope Francis, ang magiliw na pag-ibig sa maliliit, mahihina, at mahihirap ang nag-udyok sa kanila.
Pero hindi sapat ang kagustuhang tumulong para maging lider ng bayan—sa pambansang pamahalaan man o sa lokal na pamahalaan. Búhay ng mga tao ang nakasalalay. Kaunlaran ng bayan ang nakataya.
Hindi biro ang pagiging senador, congressman, o partylist representative sa Kongreso. Gagawa sila ng mga batas na dapat pakinabangan hindi lamang ng mga gusto nilang tulungan kundi ng lahat ng Pilipino. Bubusisiin nila ang ihahaing badyet ng mga ahensya. Babantayan nila ang ibang sangay ng gobyerno para siguraduhing walang umaabuso sa kapangyarihan.
Malaking trabaho rin ang ginagawa ng mga nasa lokal na pamahalaan gaya ng gobernador, mayor, vice mayor, at konsehal. Hindi lang sila nag-aabot ng ayuda sa mga tao. Gumagawa at nagpapasá sila ng mga ordinansa. Nagpapatupad sila ng mga programa at proyektong mag-aangat sa buhay ng mga nangangailangan o magliligtas sa buhay ng mga lantad sa mga panganib. Pangangasiwaan nila ang mga likas-yaman sa kanilang kinasasakupan at titiyaking sumusunod sa mga regulasyon ang mga negosyo, maliliit man o malalaki.
Kung mahigpit ang pribadong sektor sa paghahanap ng mga empleyado, ganito rin dapat sa pampublikong sektor. Kailangan din nilang magtaglay ng mga katangiang mahalaga para tumakbo nang maayos ang opisinang ipinagkatiwala sa kanila. Dapat na mahusay at propesyunal sila sa kanilang pagtatrabaho. Marunong dapat silang mangasiwa ng pondong nakalaan para sa kanilang mga programa at proyekto. Naiintindihan dapat nila ang implikasyon ng mga batas at ordinansang isusulong nila.
Paalala nga sa Ebanghelyo ni San Lucas 12:48, “Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Kung papalarin ang mga nais tumakbo sa darating na eleksyon, maisip sana nilang marami ang ibinibigay sa kanila—maraming trabaho, maraming responsabilidad, maraming pananagutan.
Mga Kapanalig, hindi natin mapipigilang pumasok sa pulitika ang mga taong para sa iba ay maaaring kuwestyunable ang layunin. Nasa ating mga botante ang susi kung mananalo sila. Babagsak sa ating mga botante ang sisi kung gagamitin ng mga kandidatong ito ang kanilang posisyon sa gobyerno para magkaroon ng kapangyarihan, magkamit ng mas maraming kayamanan at koneksyon, at makinabang ang kanilang pamilya. Nakasalalay sa ating boto ang kalidad ng pulitika sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.