4 total views
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 6, 2-6
Salmo 17, 2-3a. 3kb-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Hebreo 7, 23-28
Marcos 12, 28b-34
Thirty-first Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 6, 2-6
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Matakot kayo sa Panginoon, ang inyong Diyos, at sundin ang lahat ng kanyang mga utos at mga tuntunin habang kayo’y nabubuhay. Kung ito’y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, dinggin ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo’y mapapanuto kayo, at lalaki ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyo, sa lupaing sagana sa lahat ng bagay.
“Dinggin mo, Israel: Ang Panginoong ating Diyos ay siya lamang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya’y itanim mo sa iyong isip.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3kb-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 7, 23-28
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, dati, sa Matandang Tipan, maraming saserdote ang naghahali-halili, sapagkat namamatay sila at hindi nakapagpapatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Hesus ay buhay magpakailanman, at hindi siya mahahalinhan sa kanyang pagka-saserdote. Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Si Hesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una’y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Hesus – at iyo’y pangmagpakailanman – nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.