747 total views
Miyerkules ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 2, 12-18
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Lucas 14, 25-33
Wednesday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Filipos 2, 12-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako. May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban.
Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang tutol at pagtatalo, upang kayo’y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama. Sa gayun, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan, samantalang inihahatid ninyo sa kanila ang balita ng kaligtasan. Pagdating ni Kristo ay maipagmamalaki ko kayo sapagkat hindi nawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal.
Ikinagagalak ko – at hinahatian ko kayo ng aking kagalakan – kung ang dugo ko man ay maging handog bilang kaganapan ng paglilingkod ng inyong pananampalataya sa Diyos. Kung magkagayon, dapat din kayong magalak at hatian ninyo ako ng inyong kagalakan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw,
siya’y aking kaligtasan.
ALELUYA
1 Pedro 4, 14
Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung, may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos – siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Lumapit tayo sa Diyos Ama upang makasunod tayo kay Kristo nang hindi pabagu-bago at makatugon sa mga hamon ng pagiging alagad.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa Ngalan ni Jesus, pakinggan mo ang aming panalangin.
Ang Santo Papa, mga obispo, at mga pari nawa’y patuloy na magpakita ng tunay na pagiging alagad, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang iwaksi ang pananalig sa mga materyal na kayamanan at matagpuan ang tunay na katatagan sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hindi tumalikod sa mga pagsubok, at sa halip harapin natin ang mga krus na dumarating sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may pinapasang krus sa katawan, isip, o sa espiritwal na paghihirap nawa’y matutong lumakad sa mga yapak ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at kapatid na nagpasan ng krus ni Kristo sa mundong ito nawa’y maging maligaya na sa walang hanggang kasiyahan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, alam mo ang marami at iba’t ibang pangangailangan namin sa buhay na ito. Bigyan mo kami ng tapang upang pasanin ang aming krus at sumunod sa mga yapak ng iyong Anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.