8,780 total views
Bunsod ng malawak na pinsala na iniwan ng bagyong Kristine, inaanyayahan ang mga Kapanalig ng Radio Veritas at Caritas Manila na makibahagi sa isasagawang telethon sa Lunes, Oktubre 28, 2024.
Gaganapin ang Caritas Manila Damayan Typhoon Kristine Telethon sa Kapanalig na himpilan ng Radyo Veritas simula, ika-pito ng umaga hanggang sa ikaanim ng gabi.
Layunin ng telethon ang makalikom ng pondo para sa mga biktima ng bagyo lalo na sa Bicol Region, Quezon at Batangas na higit na napinsala ng kalamidad.
“Ang ating pagsuporta ay laging relief at rehabilitation,” ayon kay Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila.
“Kapag may mga biktima laging naroon ang simbahan na unang-unang nagdadasal, sumusuporta sa pamamagitan ng relief at rehabilitation, at nawa magdasal tayo na humupa na ang bagyong ito,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Una na ring nagpahatid ng paunang tulong ang Caritas Manila na nagkakahalaga ng P1.2 milyon para sa anim na diyosesis sa Bicolandia.
Ang mga diyosesis ng Libmanan; Virac; Legazpi, Daet; at Sorsogon at Arkidiyosesis ng Caceres ay tumanggap ng tig-200 libong piso.
Sa pinakahuling ulat, umaabot na sa 26 ang naitalang nasawi na may kaugnayan sa bagyong Kristine.
Umaabot naman sa higit sa 300-libo katao o katumbas ng higit sa 100-libong pamilya ang nananatili pa ring nanunuluyan sa mga evacuation centers.
Sa kasalukuyan na nanatili pa ring mataas ang tubig sa 586 na barangay, na ang karamihan ay sa Camarines sur.
Naitala rin ng pulisya ang 22 landslide incidents-kung saan 13 sa mga ito ay naganap sa Albay.