84 total views
Pinarangalan ng Cooperative Development Authority (CDA) ang mga indibidwal, opisyal at mga kawani ng pamahalaan at cooperative groups sa CDA Gawad Parangal 2024.
Inihayag ni CDA chairman Joseph Encabo na ipinakita ng mga awardee ang kahalagahan ng kooperatiba sa lipunan sa pagsusulong ng tunay na diwa ng kooperatibismo sa lipunan.
Pinasasalamatan din ng pinuno ng CDA ang mga awardee sa pagiging mabuting ehemplo at walang pagod na pagsisilbi sa pagpapaunlad sa sektor ng kooperatiba sa Pilipinas.
“Sa lahat po ng mga winner na nabigyan ng recognition sa ating Gawad Parangal, congratulations po, you deserve this recognition because you continue to embrace the real spirit, the genuine spirit of cooperativism and you continue to serve sa sector well, so congratulations po sa lahat ng nanalo at nabigyan ng parangal sa araw ng CDA Gawad Parangal 2024, timely in celebration of the cooperative month,” pahayag ni Encabo sa Radio Veritas.
Sa Gawad Parangal 2024, kinilala ng C-D-A ang mga nagsipagtapos ng pag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines sa kursong may kaugnayan sa kooperatiba na sina Catherine Roze Gellido, Kristine Atendido, Zea Aedrielle Bagasbas at Jay Lyka Sison.
Ayon sa C-D-A, napapanahon ang pagkilala sa mga estudyante na pinili ang mga cooperative college course na magpapatuloy sa pangangasiwa at magsusulong sa diwa at kahalagahan ng kooperatiba sa pag-unlad ng mamamayan.
Ang CDA Gawad Parangal ay taunang sa pagkilala at paggagawad ng parangal sa mga estudyante, kooperatiba, opisyal o kawani ng pamahalaan at iba pang indibidwal na nagsasabuhay sa diwa ng kooperatibismo.
Noong taong 2022 at 2023, tinanggap ng himpilan ng Radio Veritas at nang Buhay Kooperatiba Program ang pagkilala mula sa CDA Gawad Parangal dahil sa pagsusulong sa diwa ng kooperatibismo.