5,979 total views
Ipinaalala ni Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco sa mananampalataya ang kahalagahan na pananatilihing taimtim at banal ng paggunita ng Undas sa Pilipinas.
Ito ang mensahe ng Obispo para sa nalalapit na paggunita sa buong mundo ng All Saints at All Souls Day sa November 01 at 02.
Hinimok ng Obispo ang mamamayan na huwag kalimutang mag-alay ng panalangin para sa yumaong mahal sa buhay, sa mga santo ng simbahan at sa mga hindi na naalalang kaluluwa.
“Isa sa mga pagalala at pagdiriwang na taon-taon ginagawa ng mga Pilipino ay ang Undas, nagpupunta sa mga sementeryo o kung sakaling hindi, sila ay nagtitirik ng kandila at nagdarasal sa simbahan o bahay. Magandang paala-ala ito sa lahat na tayo ay itinakda ng Panginoon mabuhay kapiling niya magpasawalang hanggan, maganda rin kaugalian na ipagdasal ang mga yumao para balang araw sa awa ng Diyos malinis sila at makapiling ang Diyos sa atin tunay na tahanan,” mensaheng ipinadala ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Ikinagalak din ng Obispo na pagkakataon ang Undas upang mapatibay ang pundasyon ng isang pamilyang matagal hindi nagkakasama-sama.
Sinabi ng Obispo na dahil sa okasyon ay nagkakaroon ng pagtitipon ang mga pamilya na hindi nagkikita-kita ng matagal.
Nagalak din si Bishop Ongtioco para sa kapakanan ng mamamayan higit na ang mga manggagawang minsan lamang makapagpahinga sa trabaho.
“Nagkakaroon din ng pagkakataon na uuwi ang mga tao at may pagkakataong makilala ang mga kamag-anak na bibihira nila makita o makausap. Maganda din may break ang mga tao sa kanilang trabaho at maganda ito sa kanilang mental & psychological wellness, nandoon din ang kahalagaan ng panalangin, nagkakaroon ng pagkakataon na manalangin sama-sama ang mga tao at magkamag-anak,” pahayag ni Bishop Ongtioco.