47,161 total views
Mga Kapanalig, bumuhos ang tulong sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine. Mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon hanggang sa mga ahensya ng ating gobyerno, sinubukang maparatingan ng tulong ang mga pamilyang nawalan ng bahay, kabuhayan, at maging ng mga mahal sa buhay.
Nakalulungkot lang na may mga pulitikong sinamantala ang pagkakataon para iangat ang sarili, lalo na’t paparating na naman ang eleksyon. May mga nagbigay ng relief goods na may nakadikit na mga pangalan at mukha nila. May mga naghatid ng pagkaing pantawid gutom—pantawid kasi kakarampot lang ang laman—na ang lalagyan ay may sticker na may pangalan at mukha ng mga pulitiko. Epal na epal talaga.
May kumalat ding video ng isang lokal na opisyal na nagpamudmod ng pera sa kanyang constituents habang nakasakay siya sa isang rubber boat. Para nga siyang haring nakatayo sa bangkang hinihila ng mga tauhan niya. Prenteng nakaupo naman ang kanyang anak na may posisyon din sa probinsya. Ang mga inaabutan naman ng pera ay nakababad sa umaagos na baha. Nakatanghod sila at nakataas ang mga kamay na tila nagmamakaawa sa congressman. Nag-uunahan silang maabutan ng perang makatutulong sa kanilang makabili ng pagkain o anumang pangangailangan nila.
Hindi natin masisisi ang mga kababayan nating desperado dahil sa kanilang sitwasyon, ngunit napakababa naman ng turing sa kanila ng isa sa mga ama ng kanilang lalawigan. Pwede namang ipamigay ang tulong sa sistemikong paraan—isa-isang bibisitahin ang mga tao o titipunin sila sa isang tuyong lugar. Lumitaw na ngang walang maayos na plano ang lokal na pamahalaan para tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa panahon ng kalamidad, parang sinusuhulan pa ng opisyal ang mga táong ilang taon nang nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan sa loob ng maraming taon. Kilalang political dynasty ang pamilya ng mag-amang pulitiko.
Sa kanyang bagong labas na ensiklikal na pinamagatang Dilexit Nos, inilarawan ni Pope Francis ang tinatawag na “Christian charity” o Kristiyanong pagkakawanggawa. Iba raw ito sa ibang uri ng pag-aabot ng tulong sa iba, lalo na sa mahihirap, dayuhan, at itinuturing na iba sa lipunan. Ang Kristiyanong pagkakawanggawa ay gumagalang sa angking dangal ng tao. Tayong mga mananampalataya ay tinatawag na pagtuunan ng pansin ang paghihirap at mga pangangailangan ng ating kapwa. Pero hindi lamang ito simpleng pag-aabot ng tulong at lalong hindi ito para iangat ang ating sarili para purihin ng iba. Ang pagkakawanggawang hinihingi sa atin ay kumikilala sa dignidad na taglay ng tumatanggap ng ating tulong.
Hindi ito nangyayari kung ang pagkakawanggawa ay nagpapatingkad sa ating hindi pagkakapantay-pantay—sa malaking agwat ng mayayaman at mahihirap, ng makapangyarihan at mahihina, ng mga nabubuhay sa pribilehiyo at nagdurusa sa karukhaan. Huwad at hungkag na pagkakawanggawa ito.
Taun-taon tayong nakararanas ng matitinding kalamidad gaya ng mapaminsalang mga bagyo. Kung pwede nga lang sanang hindi mangyari ang mga ito, pero hindi ito posible. Ang mga pangyayaring ito ay mga pagkakataon upang magpaabot ng kabutihan sa ating kapwa, lalo na sa mga dukha. Mga pagkakataon ito para maipakita ang puso ni Hesus, ang puso Niyang ayon pa rin kay Pope Francis, ay natural na tanda at simbolo ng Kanyang walang hanggang pag-ibig. Kung ang puso ni Hesus ang nais nating maipakita sa ating pagkakawanggawa, dapat nating kilalanin na ang mga aabutan natin ng tulong ay mga taong kapantay natin sa dignidad. Hindi sila parang mga hayop na hinahagisan lang ng pagkain.
Mga Kapanalig, radikal ang pag-ibig na umuudyok sa Kristiyanong pagkakawanggawa. Ito ay pag-ibig na, gaya ng sinasabi sa 1 Juan 3:16, handang mag-alay ng buhay para sa ating mga kapatid. Ang unang hakbang nito ay ang pagturing sa iba bilang kapwa-tao.