7,128 total views
Hinimok ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga naninirahan malapit sa bulkang Kanlaon na maging alerto at mapagmatyag.
Ayon kay Philvocs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Maria Antonia Bornas mainam na alam ng mga residenteng malapit sa aktibong bulkan ang aktibidad nito upang manatiling ligtas.
Sa kasalukuyan ay binabatanyan ng Philvocs ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island dahil sa naitatalang volcanic earthquake at pagbuga ng sulfur dioxide.
Sa programang Veritas Pilipinas sinabi ni Bornas na maaring bisitahin ng mamamayan ang website at social media pages ng Philvocs para sa panibagong updates sa aktibidad ng bulkan.
“Sa atin pong mga kababayan maari po kayong tumunghay sa aming website, sa social media pages at mayroon din pong app na volacnoph na pwedeng i-download sa app store para makatanggap kayo ng issuances straight from Philvocs,” pahayag ni Bornas sa Radio Veritas.
Sinabi ng opisyal na ang bawat issuances na ipinalalabas ng Philvocs ay ibinibigay din sa National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC) para sa mas mabilis na pagpapakalat ng impormasyon lalo na sa lokal na pamahalaang direktang maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Aminado si Bornas na malaking hamon sa kanilang tanggapan ang pagtukoy sa oras ng malakas na pagsabog ng bulkan dahil nakadepende lamang ito sa geology ng bulkan kung saan karamihan sa eruption products ay lava flows.
Mula nang pumutok ang Kanlaon noong June 3 ay nagpapatuloy ang unrest level nito o Alert Level 2 dahil sa inibugang asupre na naitala sa 5,177 tons nong November 3 higit na mataas sa karaniwang hindi lalampas sa 300 tons tuwing tahimik ang bulkan.
Patuloy na kumikilos ang Social Action Center ng Diocese of San Carlos para sa pangangailangan ng mga residenteng apektado sa aktibidad ng bulkan tulad ng volcanic earthquakes, at pagbuga ng sulfur dioxide at ang posibilidad ng phreatic explosions.