5,250 total views
Inaanyayahan ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute (DLSMHSI) ang mga mananampalataya na makibahagi sa Extraordinary Jubilee Holy Mass na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown.
Ito’y bilang parangal sa ika-170 kaarawan at ika-40 anibersaryo ng kanonisasyon ni Saint Miguel Febres Cordero, ang kauna-unahang santo mula sa Ecuador at unang Ecuadorian member ng Brothers of the Christian Schools o La Salle Brothers.
Isasagawa ang pagdiriwang bukas, November 7, 2024, sa ganap na alas-9:30 ng umaga sa Two Hearts of Jesus and Mary Chapel ng DLSMHSI sa Dasmariñas, Cavite.
Ipinanganak si St. Miguel Febres Cordero noong November 7, 1854, pumanaw noong January 9, 1910, sa edad na 55 sanhi ng tuberculosis, at idineklarang santo ng noo’y Santo Papa, St. John Paul II, noong October 21, 1984.
Magugunitang idineklara ng Kanyang Kabanalan, Papa Francisco, ang Extraordinary Jubilee para sa 170th Birth and 40th Canonization anniversary ni St. Miguel Febres Cordero, mula June 7, 2024, Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, hanggang sa Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari sa November 24, 2024.
Sa dekretong inilabas noong May 13, 2024, Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima, pinahintulutan ng Holy See Apostolic Penitentiary si Imus Bishop Reynaldo Evangelista na buksan ang Jubilee Door sa Two Hearts of Jesus and Mary Chapel at ipagkaloob ang pagbabasbas mula sa Santo Papa.
Makakatanggap ang sinumang dadaan sa Jubilee Door ng indulhensya plenarya, o kapatawarang ipinagkakaloob ng Simbahang Katolika sa mga mananampalataya upang mapawi ang mga parusang temporal dulot ng mga nagawang kasalanan.