46 total views
Hinikayat ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang lahat na balikan at pagnilayan ang alaala ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa bansa, partikular na sa Eastern Visayas.
Ayon kay Bishop Varquez, labing-isang taon na ang lumipas mula nang manalasa ang kauna-unahang super typhoon sa bansa, ngunit sariwa pa rin ang iniwang pinsala nito, hindi lamang sa kapaligiran kundi, higit sa mga apektadong buhay at mga nasawi.
Gayunman, sinabi ng obispo na ang paggunita sa madilim na karanasang ito’y hindi lamang tungkol sa pag-alala sa mga pagsubok, kundi isang pagdiriwang at pagpapasalamat sa katatagan at pagkakaisa ng komunidad bilang sambayanan ng Diyos.
“In the aftermath of devastation, we witnessed the remarkable power of hope and love. Countless hands reached out to support one another, and together we rebuilt lives and restored our beloved community. I am profoundly grateful for the blessings of healing and renewal that have emerged from our shared struggles, and I encourage each of you to give thanks for the strength we have found in one another,” ayon kay Bishop Varquez.
Hinamon naman ni Bishop Varquez ang lahat na palalimin ang paninindigan para sa pangangalaga sa kalikasan at pagtutol laban sa mga mapaminsalang pag-unlad tulad ng pagmimina.
Umapela ang obispo sa mga nasa katungkulan na muling pag-isipan at itigil ang pagmimina sa mga isla ng Homonhon at Manicani sa Guiuan, Eastern Samar, dahil sa banta nito sa mga likas na yaman at kabuhayan ng mga apektadong pamayanan.
“I urge our leaders to reconsider and stop the mining operations in the Islands of Homonhon and Manicani, which threaten our natural resources and the livelihoods of our people. Together, let us advocate for a sustainable future that honors our God-given land,” apela ni Bishop Varquez.
Nauna nang nanawagan ang Alyansa Tigil Mina sa pamahalaan na ihinto na ang pagmimina sa bansa dahil pinapalala lamang nito ang pinsalang dala ng mga sakuna sa Pilipinas.
Magugunita noong November 8, 2013 nang nanalasa ang Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas at mga karatig na lalawigan, na kumitil ng mahigit 6,000 buhay, at humigit-kumulang 16-milyon naman ang nawalan ng tahanan at kabuhayan.