14,813 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng malakas na ulang dala ng Bagyong Kristine dalawang linggo na ang nakalilipas ang buhos ng batikos kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ika-23 ng Oktubre, kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, nang bigyan ng situation briefing ng mga pinuno at kinatawan ng iba’t ibang ahensya si PBBM. Papalapit na noon ang bagyo sa Hilagang Luzon habang inilulubog ng malakas na ulan at binabayo ng malakas na hangin ang Bicol at nagsisimula nang salantain ang Timog Katagalugan. Nang may malamlam na mukha at seryosong tono ng boses, sinabi ni PBBM na “wala tayong magagawa.” “All we can do is sit tight, wait, hope, pray that there’s not too much damage, that there are no casualties,” dagdag pa niya.
Hindi natupad ang hiling niyang huwag sanang maging malawak at matindi ang pinsalang iiwan ng Bagyong Kristine. Pag-alis ng bagyo, lumantad ang maraming bayan, komunidad, at sakahang lubog sa baha. Gútom at úhaw ang kanilang dinanas dahil hiráp ang mga naghahatid ng tulong. Gumuho ang lupa sa dalisdis ng mga bundok na nag-iwan ng maraming patay.
Mabigat pakinggan na mismong gobyerno ang nagsasabing hindi ito handa sa bagyo. Nagsimula ang taóng ito na may 22.7 bilyong pisong pondo na nakalaan para sa tinatawag na National Disaster Risk Reduction and Management Fund (o NDRRMF). Pero ini-report ni Department of Budget and Management (o DBM) Secretary Amenah Pangandaman na nasa 1.9 bilyong piso na lang ang natitira para sa nalalabing buwan ng 2024. Ang NDRRMF ang pinagkukunan ng pampuno sa Quick Response Fund (o QRF) na nakalagak sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ang mga kagawaran at opisina ng pamahalaan ay binibigyan ng QRF para gamiting standby funds para agarang matulungan ang mga nakatira sa mga lugar na apektado ng isang kalamidad.
Maaalala ring ipinagmalaki ni PBBM sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (o SONA) ang mahigit 5,500 na flood control projects na natapos na ng administrasyon. Ilang araw matapos ang SONA, hinila ng Bagyong Carina ang habagat na inilubog sa baha ang napakaraming lugar lalo na rito sa Metro Manila. Pero kung hindi raw dahil sa mga flood control projects na ito, baka mas malala raw ang sinapit ng Metro Manila at mga karatig-lugar.
Dahil sa nangyaring delubyong hatid ng Bagyong Kristine, nais buhayin ni PBBM ang Bicol River Basin Development Program na nabuo sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama noong 1973. Tila may pasaring pa siya na dahil sa pagpapatalsik sa tatay niya sa puwesto noong 1986, hindi na naipatupad ang proyekto. Gayunman, kailangan na raw i-update ang proyekto dahil na rin sa mga epekto ng climate change. Iba na raw ang panahon ngayon.
May apat na taon pa sa puwesto si PBBM at gusto nating magtagumpay ang gobyerno sa pagpapalakas ng ating kapasidad na maghanda sa anumang kalamidad at maghatid ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad. Pero maikli lamang ang panahong ito. Kung talagang may political will ang administrasyon, dapat tayong makakita ng agarang pagbabago—sa pagppapatayo ng mga imprastraktura, sa paglalaan at masinop na paggamit ng pondo, at sa pagpapanagot sa mga ahensya at mga lokal na pamahalaan.
Mga Kapanalig, may magagawa ang gobyerno kung seseryoshin nito ang disaster risk reduction. May magagawa ito para ilayô sa kapahamakan ang mga lantad sa mga kalamidad at mahihina sa harap ng mga epekto nito—silang mga dapat prayoridad ng anumang tulong, ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Patuloy ang ating pagbabayanihan, pero dapat din tayong matutong lahat, lalo na ang mga nangakong maglilingkod sa taumbayan. Sabi pa nga sa Mga Kawikaan 22:3, “Kung may dumarating na panganib, ang matalino’y nag-iingat.”
Sumainyo ang katotohanan.