4,889 total views
Umapela si Virac Bishop Luisito Occiano sa mga pari at mananampalataya ng diyosesis na magkaisa sa pananalangin habang papalapit sa bansa ang Bagyong Nika.
Labis na nag-aalala si Bishop Occiano sa posibleng epekto ng bagyo sa lalawigan at mga tao, kaya’t binigyang-diin niya ang pangangailangan ng sama-samang pananalangin para sa kaligtasan ng lahat, lalo na sa mga direktang daraanan ng bagyo.
“I again humbly ask each of you to join together in fervent prayer, seeking the intercession of Our Blessed Mother to protect us against this storm. Together, let us implore the Lord to shield us from harm and grant safety to all those in the path of this storm,” apela ni Bishop Occiano.
Hinihikayat din ng obispo ang mga parokya sa buong isla ng Catanduanes na magsagawa ng natatanging panalangin sa mga banal na pagdiriwang at iba pang pagtitipon.
Umaasa si Bishop Occiano sa pagtugon ng bawat mananampalataya sa panawagan upang ipag-adya ang lalawigan sa banta ng sakuna, na hindi pa ganap na nakakabangon mula sa pinsalang iniwan ng nagdaang Bagyong Kristine.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan sa silangan ng Southeastern Luzon ang Bagyong Nika, habang itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Catanduanes.