3,847 total views
Ipinalangin ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pananalasa ng bagyong Nika sa Luzon.
Ipinagdarasal ng Obispo sa panginoon na panatilihing ligtas ang mga mamamayan higit na ang mga bumabangon pa lamang matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyong Kristine, Leon at Marce.
Hiniling ng Obispo sa Diyos na panatilihin ang matatag ang loob ng mga mamamayan upang malagpasan ang banta ng bagyo.
“Marami na po silang mga pagsubok na dinaanan, palakasin po ang kanilang loob at ilayo po sila sa anumang panganib, sana po ay maligtas ang kanilang mga pangangatawan at kanilang hanapbuhay at Panginoon kung maari po sana na maging mahina na ang bagyo, upang hindi masyadong maantala ang buhay ng aming mga kapatid at ang kanilang hanapbuhay, Hinihiling po namin ito sayo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon, Amen,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabilo
Hinimok din ng Obispo ang mamamayan na maging handa at sama-samang magdasal upang ipag-adya sa anumang kapahamakan.
Pinairal na ng PAG-ASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No.2 sa timog silangan ng Isabela, at Hilagang Bahagi ng Aurora habang signal No.1 sa Hilaga at Silangang Bahagi ng Bulacan, silangan ng Quezon Province, Hilagang Silangan ng Albay, Timog ng Cagaya Province, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Hilagang Silangan ng Kalinga Province, Silangan ng Mountain Province, silangan ng Pangasinan, nalalabing bahagi ng Aurora, Nueva Ecija at Hilangang Silangan ng Pampanga.