1,977 total views
Pinag-iingat ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang mananampalataya hinggil sa mga fake online product endorsements ni Bishop Broderick Pabillo.
Batay sa napapanuod online lalo na sa social media platform Facebook may artificial intelligence (AI) generated video si Bishop Pabillo na nag-endorso ng herbal products.
“Bishop Broderick Pabillo did not endorse any products or supplemets. Do not be deceived by fake news or endorsements,” pahayag ng bikaryato.
Matatandaang nagbabala rin noon si Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle kaugnay sa laganap na Artificial Intelligence (AI) generated content sa internet na kadalasang sanhi ng pagkalinlang ng maraming mamamayan.
Ang mga kumakalat na video gaya ng endorsement ni Bishop Pabillo ay ginawa gamit ang Deepfake technology na isang uri ng Artificial Intelligence na lumilikha ng convincing fake images, videos at audio recordings.
Apela ng bikaryato sa mamamayan na maging mapagmatyag at maingat sa mga nababasa at napapanuod online upang makaiwas sa scam.
“Stay vigilant and please report if you see any fake news,” anila.
Sa mensahe ni Pope Francis sa 58th World Day of Social Communications sa temang ‘Artificial Intelligence and the Wisdom of the Heart Towards a Fully Human Communication’ binigyang diin nito ang wastong paggamit ng mga teknolohiya kabilang na ang AI para sa pagsusulong ng ikabubuti at ikauunlad ng pamayanan sa halip na panlilinlang at panloloko sa kapwa.
Sa datos ng Data Reportal ngayong 2024 mayorya sa 110-milyong Pilipino ang aktibo sa internet kung saan mahigit 80 million users ang social media platform na Facebook na kadalasang napapanuod ang fake endorsements ng mga obispo.