5,949 total views
Nilinaw ng Archdiocese of Manila na hindi ito mag-iendorso ng sinumang pulitiko sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula,bahagi ng pagpapastol bilang arsobispo ang paggawad ng espirituwal na paggabay sa mga taong naghahangad maglingkod sa bayan.
“Ang pagtanggap ng Arsobispo ng Maynila sa mga bumibisitang kandidato sa kanyang tahanan ay hindi pag-e-endorso sa kanilang kandidatura. Bilang pastol ng simbahan, siya ay nakikinig at nagbibigay ng espirituwal na pagagbay sa mga nagnanais mamuno sa ating bayan,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Nilinaw ni Cardinal Advincula na nang anumang larawang makikitang kasama ito ng ilang kandidato ay hindi nangangahulugang pagsang-ayon o pagkiling sa kanilang kandidatura at plataporma kundi pagtanggap bilang ama ng arkidiyosesis.
Sinabi ni Cardinal Advincula na bukas ang simbahan sa pagtanggap sa mga kandidato upang mapakinggan ang kanilang mga ninanais at hinahangad sa lipunan na bahagi rin ng isang simbahang sinodal na nakikilakbay sa nasasakupang kawan.
“Malaya ang sinumang humingi ng pagbabasbas ng mahal na arsobispo, at sa tamang pagkakataon, hindi ito ipagakakait sa sinumang magnanais nito,” ani Cardinal Advincula.
Patuloy namang isinusulong ng arkidiyosesis sa pangunguna ng media arm na Radio Veritas ang ‘One Godly Vote’ campaign na isang voters education advocacy na layuning mabuksan ang kamalayan ng 68 milyong botante sa bansa kaugnay sa mga batayan sa pagpili ng mabuting kandidato na nakahandang maglingkod sa kapakanan ng nakararami.